Bakit pinababago ni Duterte ang kasunduan ng gobyerno sa Maynilad, Manila Water?

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2019 05:50 PM | Updated as of Dec 04 2019 10:17 PM

Watch more in iWantTFC

Sa gitna ng nagbabadyang krisis sa tubig, lumabas ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration, na nakabase sa Singapore, sa isang kaso na pinaboran ang water concessionaire na Manila Water laban sa gobyerno.

Nag-ugat ang kaso laban sa gobyerno nang hindi pinayagang magtaas-singil sa tubig ang Manila Water noong 2015.

Ang kasong ito ang naging paksa ng huling pulong ng Gabinete, kung saan inatasan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Finance Secretary Carlos Dominguez at Solicitor General Jose Calida na baguhin ang concession agreement sa pagitan ng gobyerno, at Manila Water at Maynilad.

"Craft a new contract that is really favorable to public, to government, ibigay mo sa kanila. This is the amended contract. Accept it or nothing to it," ani Duterte sa isang talumpati noong Martes.

Sa parehong talumpati, pinagbantaan din ng pangulo na ipakukulong at kakasuhan ang mga opisyal ng 2 water concessionaire.

Ginawa raw kasing negosyo ang tubig at nakalagay pa sa kasunduan na kapag pinigil ang dagdag-singil, gobyerno ang kakasuhan sa arbitration court.

"We cannot raise or lower the rates. Sila lang," ani Duterte.

Pati may-ari ng Manila Water ay binalaan ng pangulo.

"Tag-isang sampal kayo sa akin. Maniwala kayo... patikim ko sa inyo. Pakita ko sa Pilipino paano mag-sampal ng mga milyonaryo, bilyonaryo," aniya.

Kinuwestiyon din ng presidente kung bakit nakalusot sa Kongreso ang concession agreement.

"Bakit pumayag ang mga senador diyan? Marami 'yan sila eh," ani Duterte. "We will expose them. And I will insist that they be tried for economic sabotage."

Walang reaksiyon ang Maynilad habang naglabas naman ng pahayag ang Manila Water, na nagsabing handa silang tanggapin ang ano mang sistema o paraan ng pagpapatupad ng desisyon ng tribunal.

Nilinaw din ng Manila Water na hindi ang Duterte administration kundi ang nakaraang administrasyon ang sinasabing lumabag sa kasunduan kaya dumulog sila sa arbitration.

Pinagbabayad ang gobyerno ng higit P7 bilyon sa Manila Water at lagpas P3 bilyon sa naunang arbitration decision.

Taong 2017 naman nanalo ang Maynilad sa international arbitration sa Singapore, na nag-ugat din sa hindi pagpayag ng gobyerno na isali sa kuwenta ng singil sa tubig ang kanilang income tax. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.