Ilang drayber, operator, di susunod sa bawas-pasahe sa jeep

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2018 09:36 PM | Updated as of Dec 12 2019 03:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpasya ang ilang tsuper at operator ng jeep na hindi sundan ang P9 minimum fare dahil nakakalito at ilegal umano ang utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibalik ito. 

Paliwanag ni Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) president Efren de Luna, kinakailangan pang isailalim sa hearing ang galaw-presyo bago maglabas ng kautusan ukol dito. 

Dapat din umanong maging epektibo ito 15 araw matapos ilabas ang kautusan, na inilabas kahapon. 

"Hindi kami magkakaroon ng pagbaba (ng pasahe) dahil ang talagang kalakaran ay magkakaron pa ng 15 araw bago magka-implementation," ani de Luna, na nag-utos sa kanyang mga miyembro na huwag sundan ang rollback ng LTFRB. 

Idinaing din ni de Luna ang agarang pagkaroon ng bawas-pasahe kahit na buwanan umano ang inaabot ng mga petisyon nila kapag sila ang humihiling ng dagdag-pasahe. 

Nanawagan naman si Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) president George San Mateo na ibalik ng LTFRB ang siningil na taripa o fare matrix nang umabot sa P10 ang pasahe ng jeep noong Oktubre. 

"Pinilahan 'yun, nagkandahirap kunin tapos babawiin pala, wala pang isang buwan. Dapat isauli 'yun. Ang LTFRB ang siya pang kumita sa rolbak na ito, hindi ang drayber o operator," aniya. 

Itinuro rin nila ang kaguluhan sa away ng mga opisyal ng LTFRB sa nangyaring umano'y "kaguluhan" sa paggalaw ng pasahe. 

Nanawagan naman si Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) president Zeny Maranan na magbitiw na sa puwesto si LTFRB Chairman Martin Delgra kasunod ng kaguluhan sa sistema nito.

Pinag-aaralan din nilang kasuhan sa Office of the Ombudsman ang Transportation department at LTFRB dahil sa umano'y hindi pagsunod sa proseso ng pagbabawas sa pasahe. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.