'Di nasabihan': P9 minimum fare sa jeep, ikinadismaya ng ilang grupo

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2018 10:42 AM | Updated as of Dec 04 2018 09:16 PM

Nag-aabang ng sasakyan ang mga commuter sa Commonwealth Avenue. Mark Demayo, ABS-CBN News.

Kinuwestiyon ng transport at commuter groups ang bawas sa minimum fare dahil hindi umano sinunod ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang "demokratikong" proseso sa galaw-pasahe. 

Kasunod ito ng pagbaba ng pasahe sa P9 mula P10 sa Metro Manila, Central Luzon, at CALABARZON. 

Ayon kay Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) president Zeny Maranan, dati pa nilang sinasabing kusa silang hihirit ng bawas-pasahe kapag bumaba na sa P39 kada litro ang halaga ng krudo pero hindi umano natuloy ang pagdinig ukol dito. 

"Martial law 'yan. Basta na lang sila magbababa. May naka-schedule na hearing ngayong araw, hindi nila tinuloy," ani Maranan. 

Sang-ayon si United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) president RJ Javellana sa sinabi ni Maranan, na ikinabahala naman ang kakayahan ng ahensiya na galawin ang presyo nang hindi naabisuhan ang mga sektor na gaya ng sa kanila. 

Kinuwestiyon niya rin ang hindi paglalabas agad ng resolusyon ukol sa bawas-pasahe. 

"Bilang pagrespeto po sa sektor ng transportasyon dapat dumaan po ito sa tamang proseso," aniya. Umapela rin siyang ibalik sa P8 ang minimum fare.

Kinuwestiyon naman ni Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) president Efren de Luna ang biglaang bawas-pasahe kahit na buwanan umano ang inaabot ng kanilang mga petisyon sa galaw-presyo ng pasahe. 

Dapat namang isauli ng LTFRB ang siningil na taripa o fare matrix nang umabot sa P10 ang pasahe ng jeep, ayon kay Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) president George San Mateo. 

"Pinilahan 'yun, nagkandahirap kunin tapos babawiin pala, wala pang isang buwan. Dapat isauli 'yun. Ang LTFRB ang siya pang kumita sa rolbak na ito, hindi ang drayber o operator," aniya. 

Hiling naman ni Maranan na dapat magkaroon na ng formula o pre-determined matrix sa fare adjustment. 

 Pagpako ng pasahe sa P9 o mas mababa, sinisilip 

Posible namang ipako ng LTFRB sa P9 o lalong ibaba ang minimum fare ng jeep dahil sa mga sunod-sunod na rollback sa langis. 

Ani LTFRB Executive Director Samuel Jardin, posibleng mag-isyu ang ahensiya ng permanent fare reduction sa nakatakdang hearing ukol dito sa Martes, pero maaari pa ring umapela ang mga transport group na tutol sa fare rollback. 

Titingnan ng LTFRB kung may batayan ito, dagdag niya. 

"Kung halimbawa ay makita ng board na talagang justified iyong P9 na provisional, puwede siyang maging permanent at puwedeng bababa pa doon kung mayroong justification naman," aniya sa isang panayam sa DZMM. 

Agaran namang ipapatupad ang rollback kapag nailabas na ang resolusyon ukol dito, ani Jardin. 

-- May ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.