PatrolPH

Dagdag-buwis sa langis, tuloy na sa Enero

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2018 09:04 PM | Updated as of Dec 12 2019 03:24 PM

Watch more on iWantTFC

Tuloy na ang pagpataw ng dagdag na buwis sa langis sa Enero 2019 matapos aprubahan ngayong Martes ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon para rito.

Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, inaprubahan ni Duterte sa Cabinet meeting ang rekomendasyon ng kaniyang economic team na ituloy ang pagpataw ng dagdag-buwis sa langis. 

Nauna nang sinabi ng economic team noong Oktubre na sinususpende ng gobyerno ang dagdag-buwis sa langis sa Enero 2019 bilang tugon sa isyu ng inflation o iyong bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.

Noong mga panahon ding iyon, umabot na sa $80 kada barrel ang presyo ng Dubai crude. Ito ang presyo ng Dubai crude na kailangan para suspendehin ang dagdag-buwis alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Pero binawi ito noong nakaraang linggo ng mga economic manager dahil sa pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Sa ilalim ng TRAIN law, nakatakdang magkaroon ng dagdag sa buwis sa langis kada taon sa loob ng tatlong taon simula Enero 1, 2018.

-- Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.