Minimum na pasahe sa jeep, binalik muna sa P9

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2018 04:31 PM | Updated as of Sep 08 2019 02:03 PM

(UPDATED) Ipinag-utos ngayong Lunes ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pansamantalang ibalik sa P9 ang minimum na pasahe sa mga jeep.

Sa isang resolution, iniutos ng LTFRB na ibaba sa P9 ang minimum fare sa mga jeep na pumapasada sa Metro Manila, Central Luzon, Mimaropa, at Calabarzon mula sa kasalukuyang P10.

Epektibo ang bawas-pasahe kapag nailathala sa mga pahayagan ang resolusyon sa Martes.

Dahil "provisional" o pansamantala ang P9 minimum pasahe, hindi na kailangan ng mga tsuper na kumuha ng fare matrix.

Bago nito, sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra na inutusan sila ni Transportation Secretary Arthur Tugade na magpulong ukol sa tapyas-pasahe kasunod ng serye ng mga bawas sa presyo ng produktong petrolyo kamakailan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi naman kontento ang grupo ng mga pasahero na ibinaba lang sa P9 ang pasahe.

"Hindi po makatarungan 'yan," ani RJ Javellana, pangulo ng United Filipino Consumers and Commuters.

Nagreklamo naman ang mga transport group na Pasang Masda at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines dahil naglabas ng desisyon ang LTFRB kahit walang pagdinig.

Sinabi rin ng mga transport group na susugod sila sa LTFRB para maliwanagan sa biglaang desisyon.

Inaprubahan noong Oktubre ng LTFRB ang hiling ng mga transport group na itaas ang minimum na pasahe sa mga jeep na pumapasada sa Metro Manila, Central Luzon, at Southern Luzon.

Sinimulang ipatupad ang P10 minimum fare noong Nobyembre 2.

Bukod sa pasahe, ilang consumer group ang humirit sa Department of Trade and Industry na babaan ang presyo ng mga pangunahing bilihin bunsod din ng kamakailang serye ng bawas sa presyo ng petrolyo.

Nagsimulang magpatupad noong nagdaang weekend ang ilang kompanya ng langis ng panibagong tapyas sa presyo ng kanilang produkto. Ito ang ikawalong sunod na linggong nagkaroon ng bawas-presyo.

-- May ulat nina Alvin Elchico at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.