Bakit tutol ang labor groups sa bagong 'security of tenure' bill ng Kamara?

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2020 09:33 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA – Karamihan sa naging trabaho ni Morris Guiregay, tumatagal lang nang 5 buwan kaya nang magsimula ang pandemya, isa siya sa mga unang tinanggal sa pinapasukang supermarket.

Hirap naman siyang makahanap ng bagong trabaho kaya nagtitinda muna ng chicharon at balut.

"Ang daming requirements, wala ka namang pang-requirements gawa ng may mga swab test pa. Ang hirap maghanap ngayon talaga ng trabaho... Mahirap lalo kasi ngayon 2 anak ko eh, may isang taon ako na baby," hinaing niya.

Matagal nang problema ang kalakarang "endo" o end of contract scheme kung saan inaalis ang mga manggagawa kahit hindi pa tapos ang probationary period na 6 buwan para maiwasan ang kanilang regularisasyon.

Ang iba naman, bumilang na ng maraming taon sa trabaho pero nananatiling contractual.

Kaya noong isang taon, ipinasa ng Kongreso ang security of tenure bill pero hindi ito pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi umano balanse sa interes ng labor groups at mga negosyante.

Matapos ang mahigit isang taon, isang bagong bersiyon ang ipinasa ng Kamara.

Sa ilalim ng House Bill 7036, ipinagbabawal ang labor-only contracting kung saan "agent" lang ang isang contractor na wala namang sapat na kapital at kontrol sa trabaho ng kanyang sinu-supply na manggagawa. Ang mga manggagawa naman, hawak ng agency pero nagbibigay ng serbisyong mahalaga sa negosyo ng principal employer.

Sa kabila nito, pinapayagan ng panukala ang mga relievers, project employees at seasonal workers, basta’t mayroon silang karapatan gaya ng mga regular na empleyado.

Kapag pumalya ang isang lehitimong contractor sa pagbabayad ng sahod at benepisyo ng manggagawa, kasamang mananagot ang principal employer.

May multa na ring P30,000 hanggang P5 milyon ang mga lalabag sa regulasyon ng job contracting.

Pero ayon sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP), wala itong pinag-iba sa bersiyon na na-veto ng Pangulo. Pangit din daw ang timing lalo't hirap ang mga negosyo sa pandemic.

Naaalarma din ang labor groups sa umano’y railroading o paspasang pag-apruba sa panukala.

"Security of tenure nga ang tawag pero sa esensiya walang kasiguraduhan ang mga manggagawa sa panukalang batas na ito. Pinapayagan gawing kontraktuwal kahit ang mga esensiyal na trabaho. Magiging panibagong pahirap ito sa manggagawa, at sobrang pabor sa mga kapitalista," ani Kilusang Mayo Uno chairperson Elmer Labog.

Ganito rin ang posisyon ng Defend Jobs Philippines.

Nagtataka rin ang grupong NAGKAISA kung bakit walang konsultasyon ang Kamara.

"Hindi namin ito masyado naupuan at hindi namin nahimay ang mga provision na ito. Napaka-important sana na 'yung konsultasyon bago inaprubahan eh pero parang minadali nila," ani Sonny Matula, chairperson ng NAGKAISA Labor Coalition.

Plano ng mga labor groups na umapela sa Senado at Kamara.

Ang mga employers naman, pinag-aaralang makiusap ulit kay Duterte.

–Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.