Petrolyo, LPG may taas-presyo pagpasok ng Disyembre

ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2019 02:48 PM | Updated as of Dec 01 2019 06:25 PM

MAYNILA (UPDATE) — Nagsimula nang magpatupad ngayong Linggo ang mga kompanya ng taas-presyo sa produktong petrolyo at liquefied petroleum gas (LPG).

Simula 12:01 ng madaling araw ngayong Linggo, tinaasan ng Phoenix ng P0.25 ang kada kilo ng kanilang LPG at P0.15 ang kada litro ng auto-LPG.

Nasa P0.24 naman ang taas-presyong ipinatupad ng Solane sa kada kilo ng kanilang LPG simula alas-6 ng umaga ngayong Linggo.

Samantala, inanunsiyo ng Clean Fuel na magpapatupad sila ng P0.15 taas-presyo sa kada litro ng kanilang auto-LPG simula 8:01 ng umaga sa Lunes, Disyembre 2.

PETROLYO

Simula alas-6 ng Martes, Disyembre 3, tataasan ng Shell at Petro Gazz nang P0.30 ang presyo ng kada litro ng gasolina at P0.65 sa kada litro ng diesel.

Magpapatupad din ang Shell ng P0.50 taas-presyo sa kada litro ng kerosene. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.