Mga jeep maaaring kumuha ng P5,000 fuel voucher hanggang Disyembre 15

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2018 05:33 PM

Palalawigin hanggang Disyembre 15 ang pamamahagi ng mga fuel subsidy card na nagkakahalaga ng P5,000 sa mga tsuper at operator ng mga pampasaherong jeep, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). 

Sinabi ng LTFRB na palalawigin ang deadline na nakatakda sana hanggang Nobyembre 29 para mabigyan ng pagkakataon ang mga tsuper na makuha ang kanilang fuel card. 

"This should give claims through representatives ample time to comply and submit documentary requirements for them to claim their cards," sabi ng LTFRB sa isang pahayag. 

[Ito ay dapat magbigay ng sapat na oras sa mga kinatawan ng mga kukuha ng card na magsumite ng mga papeles para makuha nila ang mga card.]

Sa halos 180,000 kalipikadong humawak ng prangkisa, tinatayang nasa 66,000 ang naibigay na fuel cards simula nang umarangkada ang pagbibigay ng nasabing fuel cards noong Setyembre, ayon sa LTFRB. 

Magmula nitong Nobyembre, tumanggap na ang LTFRB ng mga dokumento mula sa mga aplikanteng hindi makakapunta nang personal sa claiming sites, kaya marami na rin ang nakakuha ng kanilang mga pantawid pasada cards, ayon sa LTFRB. 

Nanawagan ang LTFRB na kunin ng mga jeep ang fuel cards para makuha ang fuel subsidy para sa 2018. 

Sa proyektong isinagawa ng LTFRB, sa tulong ng Department of Transportation, binigyan ng P5,000 fuel voucher ang mga aprubadong jeepney operators, na nagsilbing ayuda para sa dagdag-presyo ng gasolina at krudo. 

Ngunit inirereklamo ito ng ilan dahil mahaba ang pila para makuha ang mga card, at "kulang" pa raw ang ayudang ibinibigay bunsod ng mga dagdag-presyo ng bilihin sa mga nakalipas na buwan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.