Bawas-presyo sa LPG, petrolyo, inaasahan sa pagpasok ng Disyembre

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2018 01:08 PM | Updated as of Jan 09 2020 04:09 PM

Watch more in iWantTFC

Inaasahaang magkakaroon ng "big time" o malakihang bawas sa presyo ng diesel, gasolina at liquefied petroleum gas (LPG) sa umpisa ng Disyembre.

Sa unang tatlong araw ng trading, P2 kada litro na ang ibinagsak ng presyo ng imported na gasolina habang P1.93 kada litro naman sa diesel.

Subalit may dalawang araw pang kalakalan kaya maaari pang magbago ang halaga ng bawas.

Kapag natuloy, iyon na ang ikawalong sunod na linggong nagkaroon ng tapyas sa presyo ng produktong petrolyo.

Kung susumahin, mula Oktubre 15, naglalaro sa P10.05 hanggang P10.20 kada litro ang kabuuang nabawas sa presyo ng gasolina habang P8.45 hanggang P8.55 naman sa diesel.

Magkakaroon din ng bawas sa presyo ng LPG sa Disyembre 1.

Maglalaro sa P5 hanggang P6 bawas sa kada kilo ng LPG, sabi ni Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero.

Ayon sa EC Gas, nasa P5 kada kilo ang maaari nilang itapyas o P55 sa isang 11 kilong tangke.

Kasabay nito, inanunsiyo ngayong Huwebes ng mga economic manager na binawi nila ang rekomendasyong suspendihin ang dagdag-buwis sa petrolyo sa Enero 2019.

Pero nangangailangan pang ng basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng mga economic manager.

KALIDAD NG MURANG LANGIS, BAGSAK SA PAGSUSURI

Samantala, bagsak sa kalidad ang sample ng gasolina na kinuha ng Department of Energy sa isang istasyon sa Malolos, Bulacan, na ibinbenta nang mas mura kumpara sa Metro Manila.

Ang pahayag daw na 95 ang research octane number (RON), na may epekto sa makina, ay hindi totoo nang suriin sa laboratoryo.

Nakita namang kulang sa sangkap na bio-diesel ang isang sample ng diesel na nakuha.

Tumanggi muna ang DOE na pangalanan ang kompanya pero pinagpapaliwanag na raw ito ng gobyerno.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.