Suplay ng NFA rice sa merkado 'balik-normal' na

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2018 06:47 PM

Mga sako ng NFA rice. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Magkakaroon na muli ng suplay ng tig-P27 at tig-P32 kada kilo na NFA rice sa lahat ng palengke matapos dumating ang daan-daan pang sako ng imported na bigas, kinompirma ng National Food Authority nitong Miyerkoles. 

Ito ay matapos maiulat na "manipis" ang bentahan ng bigas ng NFA sa ilang pamilihan sa mga nakalipas na linggo. 

Sa panayam sa DZMM, sinabi ni NFA administrator-in-charge Tomas Escarez na dumating na ang 280,000 sakong imported na bigas. 

Dahil sa pagdating ng suplay, aniya, itataas na muli sa 20,000 bags ang ipapamahagi sa mga retailer, mula sa dating 10,000 bags. 

Giit ni Escarez na hindi kinapos ang suplay ng NFA rice, at ipinatupad lamang umano ang "just in time arrival" para matiyak ang kalidad nito. 

"It means kung ano lang ang kailangan mo na 'yun lang pararatingin natin para iwasan natin 'yung mga nakaraang panahon na maraming bintang sa bigas ng NFA na may amoy, mabaho, may bukbok. Kaya kada importation, 'yung tama lang," ani Escarez. 

Bukod dito, inaasahan ang pagpasok pa ng suplay ng NFA rice nitong Disyembre, matapos maisakatuparan ang 203,000 metric tons na bidding para sa government-to-government scheme ng NFA. 

Pasok sa bidding price ng NFA ang mga presyo ng Vietnam at Thailand sa iaangkat na bigas. 

Aabot sa $469.80 kada metric tons ang alok ng Thailand para sa 80,000, habang $470 kada metric tons ang alok ng Vietnam para sa 170,000 metric tons na kapwa ide-deliver sa Disyembre 15 at 31. 

Napag-alaman din na dahil sa mas mababa ang offer ng Thailand, pinakiusapan ng bid and awards committee ang Vietnam na tapatan nito ang alok ng Thailand bago ito isakatuparan.

-- May ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.