Presyo ng delatang karne, 'madadamay' sa rice tariffication

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2018 09:01 PM | Updated as of Jan 16 2019 04:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanganganib na tumaas ang presyo ng karneng de lata kapag naipasa na ang rice tarrification bill, o ang pagbubukas ng pag-aangkat ng bigas sa lahat basta magbayad ng 35 porsiyentong taripa, ayon sa isang manufacturer group. 

Nagbabala ang Philippine Association of Meat Processors Incorporated (PAMPI) na tataas nang mahigit P1.50 hanggang P1.70 kada lata ang presyo ng mga canned meat dahil kasama sa itataas na taripa ang mechanically deboned meat (MDM). 

Ang MDM ang tira-tirang laman na sinisimot at inaangkat mula sa ibang bansa na laman lang ng manok ang kinakain. Mula sa kasalukuyang 5 porsiyento, aakyat ang taripa ng MDM sa 40 porsiyento. 

Paliwanag ng grupo, konektado sa rice tarrification ang MDM dahil kung ibababa umano ang taripa sa bigas, kaakibat nito ang pagtaas ng taripa ng MDM batay sa kasunduan sa ilalim ng World Trade Organization. 

"Ang P17 ngayon we will have to add P1.50 to P1.70 per can of meatloaf, beef loaf di na kaya ng tao yan, prices would go up by 25 percent," ani PAMPI spokesman Rex Aggarado. 

Apela ng grupo na ipako na lamang ang taripa sa 5 porsiyento sa mga pagkaing may MDM, bagay na sinuportahan ng DTI. 

"If we increase the tariff rates, it will push up prices and this is against the directive of President Duterte to keep costs and prices low," ani Trade secretary Ramon Lopez sa isang text message. 

Pinagpaliwanag ng DTI ang mga manufacturers na gustong magtaas ng presyo, kabilang ang sardinas, na humihiling ng P0.50 hanggang P0.60 dagdag-presyo kada lata. 

Pero giit ni Canned Sardines Association of the Philippines spokesman Marvin Tiu Lim, lugi umano sila sa mahal na presyo ng gasolina nang magkaroon ng 9 linggong sunud-sunod na pricer hike. 

"Ngayon mababa ang fuel. Pero noong hinuli ang isda at ginawa 'yang sardinas medyo mataas pa ang diesel at ang cost," ani Tiu Lim. 

Hanggang Disyembre 1 ang pangako ng mga manufacturers na nakapako ang presyo, pero posibleng makiusap ang DTI na lubusin ang price freeze hanggang katapusan ng 2018. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.