Pork mula sa mga lugar na may ASF, bawal na sa Negros Occidental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2019 01:12 AM

Nilagdaan ni Gov. Eugenio Jose Lacson ang inaprubahang ordinansa ng Negros Occidental na magbabawal sa mga pork meat products na galing Luzon at ibang mga bansa na may kaso ng African swine fever.

Ayon kay Lacson, ang ordinansa ng Sangguniang Panlalawigan ang magpapasiguro na ligtas ang probinsya sa ASF.

Kasabay nito ang lalong pagpapalakas ng monitoring operation at inspection sa mga seaports at airport kung saan pwedeng maipuslit ang mga pork meat products.

Ayon kay Lacson, inaasahan niya at ang kaniyang mga kasapi na may maghahamon sa naturang ordinansa.

Pero para mapangalagaan ang P6 billion swine industry ng probinsya ay nakahanda silang harapin ito, aniya.

Para mapakita na ligtas ang baboy sa probinsya ay sama-samang kumain ng lechon ang mga local officials, kasama ang mga ilang miyembro ng grupo ng mga hog raisers at mga empleyado ng kapitolyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.