PatrolPH

Paano maging investor, manalo ng mala-lotto na premyo sa halagang P500?

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2019 08:18 PM

Watch more News on iWantTFC

Dalawang dekada nang tumataya sa lotto ang security guard na si Jomar Calagui sa pag-asang mananalo ng pandagdag sa matrikula ng kaniyang mga anak.

"'Yong kinikita sa sahod, kulang-kulang. Baka sakaling manalo para sa pag-aaral ng mga bata," ani Calagui.

Sa P24 na taya ni Calagui kada linggo sa bawat tiket ng lotto, lumalabas na halos P25,000 na ang naitaya niya sa lotto sa nakalipas na 20 taon.

Sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), 4 sa bawat 10 Pinoy ang may bank account, indikasyon umano na mas gusto pang tumaya sa lotto ng mga Pinoy kaysa mag-impok sa bangko.

Dahil dito, gumawa ng paraan ang Bureau of Treasury para puwedeng pagsabayin ang pag-iipon at pagtaya sa lotto — ang "premyo bonds."

Nasa P500 ang bawat isang premyo bond na magsisilbing tiket para sa 4 na quarterly draw sa susunod na taon.

Dahil bond, hindi mawawala ang pinambili rito kapag natalo sa draw. Babalik ito nang buo sa mga investor at may kasama pang interes na 3 porsiyento makalipas ang isang taon. 

"Mayroon ka nang coupon every quarter, mayroon pang raffle draw every quarter," sabi ni National Treasurer Rosalia de Leon.

Sa bawat draw, 50 ang mananalo ng P20,000, 10 ang mananalo ng P100,000, at isa ang mananalo ng P1 milyon.

May kasama pa itong non-cash prizes mula sa mga real estate developer-partner.

Maaaring bumili ng premyo bonds sa mga piling bangko kasama ang BDO, Chinabank, Development Bank of the Philippines, Metrobank, at Landbank.

Kailangan lang magbukas ng account sa mga kasaling bangko dahil doon ipapasok ang interes at premyo.

Nag-umpisa na ang bentahan ng bonds noong Lunes at matatapos sa Disyembre 13.

-- Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.