Bawas-presyo ng langis, inaasahang magtutuloy sa susunod na linggo

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2018 07:29 PM | Updated as of Nov 26 2018 10:33 PM

Inaasahang magkakaroon muli ng bawas sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo dahil sa patuloy na pagmura ng langis sa pandaigdigang merkado, sabi ng isang opisyal ng Department of Energy (DOE).

"Kung ang basehan natin 'yong crude na ang presyo ay pababa, mukhang magtutuloy-tuloy," ani Rodela Romero, assistant director ng Oil Industry Management Bureau sa ilalim ng DOE.

Naunang nagpatupad ng bawas-presyo ang Phoenix Petroleum noong Sabado. Nasa P2.20 ang kanilang ibinawas sa kada litro ng diesel habang P1.10 naman sa kada litro ng gasolina.

Sinundan ito ng iba pang kompanya na nagpatupad ng P2.30 bawas-presyo sa diesel, P1.10 sa gasolina, at higit P2 sa kerosene.

Kung susumahin, mula Oktubre 15 hanggang ngayon, naglalaro sa P10.05 hanggang P10.20 ang ibinaba ng presyo ng gasolina habang P8.35 hanggang P8.45 naman sa diesel.

Ayon pa kay Romero, mali ang presyuhan sa ilang gasolinahan sa Bulacan, na mas mura kompara sa Metro Manila.

"Kung sisimulan mo lang 'yong pag-add natin ng mga adjustment, kung ano 'yong presyo sa Metro Manila, 'yon ang dapat na presyo," ani Romero.

Iniimbestigahan pa ng DOE kung tama ang timbang at kalidad ng petrolyo sa mga gasolinahang nagbebenta ng mas mura sa Bulacan.

Sa susunod na Lunes, Disyembre 3, naman isasalang ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagdinig ang hirit na bawas-pasahe ng isang commuter group.

Nais ng grupo na ibalik sa P8 ang minimum na pasahe mula sa kasalukuyang P10 bunsod ng serye ng mga bawas-presyo sa langis.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.