Posibleng tumaas pa ang presyo ng isda kasunod ng utos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na bawal nang magbenta ng pink salmon at imported na pampano sa mga palengke.
Ayon sa mga nagtitinda sa Quinta Market sa Quiapo, kakaunti kasi ang suplay ng isda kaya posibleng may epekto ito sa presyuhan.
"Pwedeng magkaroon ng pagbabago kung sakaling bawal na talaga, pwede rin namang wala pero kung sakaling bawal na talaga sigurado magbabago yung presyo nun. Pwedeng tumaas," ayon sa vendor na si Christian Hilario.
Dagdag pa ng isa pang vendor na si Jenica Hilario: "Tataas yan sir, tataas po talaga yan kasi pinagbabawal sa mga palengke eh, iilan lang pwede makapagtindi niyan eh syempre tataas po talaga ang presyo ng isda."
Pero sa ngayon, wala pang pagbabago sa presyo.
Matumal din anila ang benta dahil nag-iipon pa umano ang mga tao para sa Pasko.
Umaasa silang lalakas ang bentahan pagpasok ng Disyembre.
Samantala, dinepensahan naman ng BFAR ang kanilang utos.
Sa Teleradyo, sinabi ni BFAR chief information officer Nazario Briguera na maaaring mga importer ang naglalabas sa mga palengke ng inaangkat na mga isda dahil sa iginagawad sa kanilang certificate of necessity to import.
Hinimok ni Briguera ang mga tindero at consumer na tangkilikin ang lokal na produksyon ng isda.
"Kailangan ma-regulate ang importation natin kasi unang-una kung hindi ito regulated ibig sabihin di na natin nakokontrol yung mga dumadagsang fish sa market at maaaring mangahulugan ng competition sa ating local production. Ayaw nating mangyari yon kasi ang malalagay sa disadvantage ay ating mga local fisherfolk," aniya.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.