'Mabigat sa amin': Toll hike sa NLEX inangal ng ilang tindero, delivery driver

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2020 04:10 PM | Updated as of Nov 25 2020 07:23 PM

NLEX noong Semana Santa, 2019. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA - Umaaray ang ilang motorista sa ipinatupad na dagdag-singil sa toll ng North Luzon Expressway ngayong Miyerkoles. 

Ang tindero ng gulay na si Rommel Tolentino, hahanap na lang ng alternatibong rutang madaraanan tuwing madaling araw para makatipid sa gastos, lalo't araw-araw siyang bumibiyahe mula sa bahay sa Valenzuela papuntang Balintawak at pabalik ulit ng Valenzuela para magbenta.

"Choice na lang po namin kung dadaan kami o iikot na lang sa ibang ruta gawa ng dagdag-toll, pero depende sa oras ng biyahe, minsan tanghali bumabalik kami, 'yung traffic na daraanan namin du'n naman kami na-stress, kasi traffic na, dagdag-gastos pa sa krudo," ani Tolentino. 

Pasakit umano ito para kay Johan, isang van driver na 3 beses bumibiyahe mula Maynila papuntang Gitnang Luzon para mag-deliver ng mga chocolate.

"Kabawasan din 'yan sa budget, china-charge sa amin 'yan lalo na kapag di alam ng amo namin 'yung dagdag-singil, mabigat sa amin, 'yung budget namin para sa amin mababawasan mapupunta sa toll," ani Johan. 

Posible rin na tumaas ang presyo ng gulay sa mga palengke, ayon sa isang vendor. 

Ayon kay Fatima Cabanlit, isang vendor, sinabihan siya ng kaniyang supplier na maaaring itaas ang presyo ng gulay na pinapasa sa kaniya. 

"Kasi andami nagreklamo, ba't daw tumaas ang gulay, paano naman kami? Galing pa ng Pangasinan papunta dito… kawawa mamimili, kawawa rin kami, kawawa rin nagbigay ng kalakal," ani Cabanlit. 

Maaalalang tumaas ang presyo ng gulay mula Central Luzon na ibinagsak sa Quezon City tulad ng talong, kamote, sitaw, at ampalaya. 

Ayon sa abisong inilabas ng Metro Pacific Tollways Corporation,
sa open system, magiging P58 na mula sa P54 ang fixed toll para sa Class 1 vehicles. Nasa P0.06 kada kilometro naman ang dagdag-singil para sa end-to-end.

May dagdag na P9 ang ibabayad para sa mga class 1 na sasakyan na daraan sa NLEX Balintawak hanggang sa Mabalacat, Pampanga.
Kaya mula sa dating P257 na toll sa Mabalacat, Pampanga, magiging P266 na ang babayaran ng mga motorista.

Ayon sa pamunuan ng NLEX, kinailangan nilang magdagdag ng singil lalo't nagagamit na ang extension ng NLEX sa Harbor Link papuntang Navotas City na nagkakahalaga ng P7 billion. 

Malaking tulong anila ang NLEX Harbor Link para mabawasan ang traffic sa ibang bahagi ng expressway dahil maraming mga truck ang dito na dumaraan papuntang Caloocan, Malabon at Navotas.

Ayon sa Toll Regulatory Board, bukas silang pag-aralan ang nasabing toll hike kung may grupo mang hihiling na mapag-aralan ito.

-- Ulat nina Lyza Aquino at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.