Mga kompanya ng langis, kanya-kanyang anunsiyo ng tapyas-presyo

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2018 03:29 PM | Updated as of Nov 25 2018 07:50 PM

Ilan pang kompanya ng langis ang nag-anunsiyo ngayong Linggo ng tapyas sa presyo ng kanilang mga produkto.

Ayon sa Jetti Pump, magpapatupad sila ng P2.30 bawas sa kada litro ng diesel, at P1.10 bawas sa kada litro ng gasolina simula Lunes, Nobyembre 26, alas-6 ng umaga.

Parehong presyo rin ang ipatutupad ng Caltex sa kanilang diesel at gasolina, kasama ang P2.10 bawas sa kada litro ng kerosene, simula hatinggabi ng Martes, Nobyembre 27.

Ayon naman sa Shell, P2.30 ang kanilang bawas-presyo sa diesel, P2.10 sa kerosene, at P1.10 sa gasolina simula Martes, alas-6 ng umaga.

Alas-6 ng umaga ng Martes din magpapatupad ang PTT Philippines, Petro Gazz at TOTAL ng P2.30 bawas sa kada litro ng diesel at P1.10 bawas sa kada litro ng gasolina.

Ito na ang ikapitong sunod na linggong nagkaroon ng tapyas-presyo sa petrolyo, na inaasahang magtutuloy hanggang Disyembre.​

Nauna nang magpatupad noong Sabado, Nobyembre 24, ang Phoenix Petroleum ng P2.20 bawas sa kada litro ng diesel at P1.10 bawas sa kada litro ng kerosene.

Nagtapyas naman ang SEAOIL ngayong Linggo, Nobyembre 25, ng P2.30 sa kada litro ng kanilang diesel, P1.10 sa kada litro ng gasolina, at P2.10 sa kada litro ng kerosene. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.