Hamon, ilan pang grocery items, nagmahal

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2018 06:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang linggo bago mag-Pasko, tumaas na ang presyo ng hamon at ilang grocery items, sabi ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc. at Department of Trade and Industry (DTI).

Kasama sa mga nagtaas ng presyo ngayong Nobyembre ang ilang brands ng processed meat products at sandwich spread, na tumaas ng hanggang 10 porsiyento.

Ilang snack foods naman ang nagmahal ng hanggang 12 porsiyento.

Sa mga produktong ginagamit naman na panghanda sa Noche Buena, ang salusalo sa hatinggabi bago ang Pasko, tumaas ng 10 porsiyento ang presyo ng hamon.

Nagkaroon naman ng kaunting paggalaw sa presyo ng spaghetti noodles, tomato sauce, at all-purpose cream.

Ayon kay Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc. President Steven Cua, inaasahang hindi na rin umano gagalaw ang presyo ng mga grocery item sa Disyembre.

Tiniyak naman ni Cua na sapat ang suplay ng mga Noche Buena product para sa holiday.

"In the next few weeks, kapag demand increases, sapat sa lahat ng lugar. Palagay ko sapat nationwide," ani Cua.

May ilang mamimili na ang nagsimulang mamili para sa Noche Buena.

"Sa December, baka magtaas," sabi ng konsumer na si Susan Gomez.

Ipinapayo naman nina Cua na bukod sa pamimili nang maaga, maging malikhain din sa mga pagkaing ihahanda sa Noche Buena.

Dagdag pa ng grupo, planuhin din ang mga bibilhin para hindi mapagastos nang sobra, at magkumpara at pumili sa pagitan ng iba-ibang brands para makatipid. 

Nakatakda namang maglabas ang DTI ng bagong listahan ng suggested retail price ng mga pangunahing bilihin sa Disyembre. --Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.