Kulang na kooperasyon ng mga bangko, dagok sa pagpuksa sa card skimming

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2017 12:28 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ngayong magpa-Pasko, dapat pag-ibayuhin pa ang pag-iingat sa mga credit card at ATM card dahil hindi pa rin umano nauubos ang mga nabibiktima ng card skimming.

Ang dahilan, iilan pa lang ang mga naaresto at napapakulong ng mga awtoridad sa naturang krimen.

Sinisisi nila ang kawalan ng kooperasyon ng mga bangko na binabalik na lang ang pera ng mga biktima at ayaw nang habulin ang mga suspek. 

Kuwento ng isang biktimang si Katrina Ocampo, nagreklamo siya noong 2014 nang mawalan ng P100,000 sa loob lang ng tatlong araw sa dalawa niyang bank account. 

"Sabi nila sa akin nung una, aabot daw ng 30 days pa, tapos kailangan pang mag-imbestiga ng BSP (Bangko Sentral ng Pilipinas). Tapos sabi sa akin nung manager kung ako daw ba 'yung nasa Umagang Kay Ganda, sabi ko 'oo.' Binalik na lang nila 'yung pera ko," ani Ocampo. 

Hindi na raw nagpaliwanag pa ang bangko kung paano at sino ang kumuha ng kaniyang pera. Hindi na rin sila pinag-report sa pulisya o National Bureau of Investigation (NBI). 
    
Sa datos ng dalawang ahensya, mula 2013 ay iisa pa lang ang naaresto sa pagkakaroon ng skimming device at 31 pa lang ang nakakasuhan sa paggamit ng card ng ibang tao. 

Ayon sa NBI, kadalasan ay ayaw ng mga bangko na maimbestigahan pa ang mga kaso.

"There are confidentiality issues involved. It might also affect the image of the bank. [Like] bakit na-hack ang system nila o bakit na skim?" paliwanag ng tagapagsalita ng NBI na si Ferdinand Lavin.

"Kung wala silang (mga kawatan) nakikitang nakakasuhan o nakukulong, gagawin at gagawin lang nila ito," dagdag ni Lavin.

Ayon sa BSP, desisyon na ng bangko kung gusto nilang magpa-imbestiga. 

"Yun yung main concern namin, ang maibalik ang pera that was taken because of skimming," ani Pia Roman Tayag, direktor ng Financial Consumer Protection sa BSP. 

Tulad ng ibang mga biktima, masaya si Ocampo na naibalik ang kaniyang pera pero kailangan daw ay mahanap ang mga magnanakaw.

"Don't you think it would be better for your image na kayo mismo ang nag-iimbestiga kung anong nangyayari sa network mo," hinaing ni Ocampo sa mga bangko.

Ayon sa NBI, ang problema sa hindi pagre-report ng mga bangko ay kung nagbabago ng diskarte ng mga sindikato.

Ang modus naman ng ilang suspek ay gagamitin nila ang credit card ng mga biktima sa mga maliliit na transaksyon para hindi ito agad mapansin ng mga bangko at biktima.

Kinokonsulta na ng mga bangko ang NBI kung paano higpitan ang seguridad ng kanilang sistema. 
    
Kasama na diyan ang mga EMV chip na nilalagay sa mga bagong card; mga harang na nilalagay sa keypad ng mga ATM; at mga customer service ng mga bangko na nagdo-double check ng mga transaksyon ng mga kliyente. 
    
Sinubukan kunin ng ABS-CBN News ang panig ng mga asosasyon ng mga bangko, pero hinahanda pa raw nila ang kanilang statement. 
    
--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.