Tax reform ni Duterte, dapat bang ikatuwa ng mahihirap?

Henry Omaga-Diaz, ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2017 09:26 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Ipinagmamalaki ng isang panukala sa Senado na hindi na papatawan ng buwis o income tax and mga sumusuweldo sa isang taon ng P250,000 pababa.

Pero inalis naman ang lahat ng exemptions sa mga dependents, ayon sa obserbasyon ni Professor Cielo Magno ng University of the Philippines School of Economics. 

Sa napagkasunduan kasi sa Senado, ang may taunang suweldo na lagpas ng P250,000 pero mababa sa P400,000 o yung sumusuweldo ng P21,000-P33,000 kada buwan ay papatawan ng 20% buwis sa halagang lagpas ng P250,000.

Para kay Ateneo Professor Milwida Guevara, dating Finance undersecretary, sapul dito ang middle-income bracket o yung sumusuweldo ng P30,000 pataas kada buwan.

"Parang nagbawas ka sa low-income na sisingilin mo sa middle-income. Wala ka ring madye-generate na revenue kasi nilipat mo lang," ani Guevara.

Nagbabadya ring tumaas ang iba pang presyo ng bilihin at pamasahe dahil sa panukalang dagdagan ng P6 buwis ang kada litro ng gasolina sa susunod na tatlong taon at sa pagpapataw ng P5 hanggang P20 na buwis sa mga inuming may asukal.
 
"Papatayin nito ang sugar industry lalo na ang mga magsasaka sa industriya," pangamba ni Guevara. 

Nilinaw naman ni Senador Sonny Angara na dadaan pa sa bicameral committee ang panukala at hindi pa ito nakataga sa bato.
 
"Subject to changes pa 'yan, may kaniya-kaniyang opinyon ang mga kongresista," paniniguro ni Angara.

Ayon naman sa United Filipino Consumers and Commuters (UFCC), mga mahihirap din ang apektado sa tax reform na ito.

"Iyong mga mayayaman, kakayanin niyan ang pagtaas ng gasolina, pero 'yung pagtaas ng presyo ng bilihin, pamasahe, hindi 'yan kaya ng mga mahihirap," ayon kay RJ Javellana ng UFCC.

Para kay Magno, mas maigi pang isabay ang pagtapyas sa Value Added Tax (VAT) mula 12% pababa ng 10% na lamang para maibsan ang pasanin ng mga mamimili.

Pinuna din ni Magno na imbes na sa mga bilihin, ang gusto pa ni Senador Richard Gordon ay alisin mismo ang VAT na binabayaran ng mga nasa toursim zone at economic zones.
     
Sa panukala, pinanatili rin ang tax privileges sa mga export economic zones.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.