Barangay chairman na may loose firearm, arestado

Edward Quinto, ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2017 09:59 AM

Kulong ang 36-anyos na incumbent barangay chairman matapos na maaresto dahil sa mga nakumpiskang baril, mga bala at granada sa kanya na walang kaukulang papeles, Huwebes ng umaga sa San Carlos City.

Sa bisa ng search warrant, nahuli sa bahay niya sa Barangay Turac, San Carlos City si Boyet Geronimo.

Siya ay inireklamo ng mga concerned citizens na mayroon umanong itinatagong mga baril na maaaring ginagamit niyang para sa sariling proteksiyon ngunit hindi mga dokumentado.

"May report na itong kapitan ay nag-aalaga ng mga loose firearms,” sabi ni Chief Inspector Crispin Bañes.

Ayon naman sa Criminal Investigation and Detection Group, dati nang nakulong ang suspek dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga.

"Nakulong na ito ng 4 months dahil sa droga,” sabi ni Bañes.

Nakumpiska mula sa kanya ang isang kalibre .38 na rebolber na may apat na live ammunition, limang bala ng kalibre .45, anim na bala ng M-16 at isang hand grenade.

Nahaharap siya sa kasong paglabag sa illegal possession of firearms and ammunition at illegal possession of explosives.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.