PatrolPH

DTI naglabas ng price guide sa mga produktong pang-Noche Buena

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2022 12:45 PM | Updated as of Nov 23 2022 08:35 PM

Watch more News on iWantTFC

(UPDATE) Naglabas ngayong Miyerkoles ang Department of Trade and Industry (DTI) ng price guide sa mga produktong ginagamit sa paggawa ng mga pagkaing pang-Noche Buena.

Batay sa inilabas na price guide, aabot sa 1 hanggang 10 porsiyento ang taas-presyo ng mga naturang produkto.

Sa ham, halimbawa, naglalaro sa P163 hanggang P892.50 ang presyo habang nagkakahalaga namang P199.50 hanggang P513.75 ang keso de bola.

Naglalaro naman sa P23 hanggang P119 ang mga presyo ng pasta, elbow macaroni at salad macaroni, base sa price guide.

Ayon kay Trade Secretary Alfredo Pascual, mataas na cost ng raw materials ang dahilan ng manufacturers sa pagtaas ng presyo ng kanilang mga produkto.

"Kamukha ng wheat products. Iyong mga spaghetti, wheat ang ginagamit niyan. Alam mo sa atin, tumaas din iyong presyo ng wheat dahil nga doon sa giyera sa Ukraine. Kasi ang Ukraine pinanggagalingan ng maraming raw wheat," ani Pascual.

Nilinaw din ni Pascual na hindi sakop ng suggested retail price (SRP) ang Noche Buena products dahil hindi sila kabilang sa basic necessities and prime commodities.

Noche buena price guide

Ayon kay Pascual, puwede namang bumili ang mga mamimili ng mga "bundle pack" na Noche Buena products para makamenos.

"Nung ginagawa namin iyong price guide, kinakausap din namin iyong mga manufacturer para iyong mga products na binibili ng karamihan eh alalayan lang iyong pagtataas," ani Pascual.

Nag-ikot ngayong Miyerkoles ang mga opisyal ng DTI at local government ng Marikina sa iba-ibang pamilihan para tingnan kung nasusnuod ang mga presyo.

Sa Maynila, tumaas na rin ang presyo ng hamon sa isang kilalang tindahan.

Nasa P30 hanggang P50 kada kilo ang taas-presyo sa nasabing tindahan.

Mabenta umano sa puwesto ang Chinese slice ham at scrap ham, na naglalaro sa P1,500 hanggang P2,800 kada kilo.

Samantala, mula sa dating P180 kada kilo, sumipa sa P250 ang presyo ng sibuyas sa Divisoria, Maynila at P300 sa Marikina Public Market.

Matatandaang nagtakda ng P170 na SRP ang Department of Agriculture para sa sibuyas.

Nang tanungin ang DA sa kung ano ang ginagawa tungkol dito, sagot ni Assistant Secretary Kristine Evangelista'y nagbebenta ang ahensiya ng P170 kada kilong sibuyas sa mga Kadiwa outlet.

— Ulat nina Arra Perez at Karen de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.