Namumurong tapyas-presyo sa langis posibleng pumalo lagpas P2

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2018 05:10 PM | Updated as of Nov 23 2018 10:53 PM


Isang "big-time" na bawas-presyo sa petrolyo ang namumuro para sa susunod na linggo. 

Kung matutuloy, ito na ang ikapitong magkakasunod na linggong may pagtapyas sa presyo sa langis. 

Base sa komputasyon sa apat na araw na trading sa world market, tinatayang nasa P2 hanggang P2.10 kada litro ang magiging bawas-presyo sa diesel, at P0.90 hanggang P1 naman sa gasolina.

TINATAYANG ROLLBACK SA SUSUNOD NA LINGGO:

  • Diesel → P2-P2.10/litro
  • Gasolina → P0.90-P1/litro

Gayumpaman, maaari pang magbago ang halaga ng tapyas-presyo depende sa trading ngayong Biyernes. 

 'SOBRANG MURANG' PETROLYO ININSPEKSIYON

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, nag-inspeksiyon nitong Biyernes ang Department of Energy (DOE) ng ilang gasolinahan sa Bulacan para tingnan ang kalidad ng ibinebentang produktong petrolyo sa kabila ng mababang presyo nito. 

Ito ay para alamin kung nakakasunod ba sa panuntunan ng Philippine National Standards ang kalidad ng ibinebentang langis doon.

Unang tinitingnan ng DOE kung tama ba ang sukat na inilalabas ng dispensing pump. 

Matapos nito ay kukuha ang ahensiya ng tig-1 litrong sample ng diesel at gasolina na ipadadala sa laboratoryo. 

Dito titingnan kung tama ba ang ibinebentang produktong petrolyo ng gasolinahan. 

Napukaw ang atensiyon ng DOE sa mga maliliit na gasolinahan sa Bulacan dahil di hamak na mas mababa ang presyuhan nila kumpara sa Maynila. 

Hindi kasi pumapalo sa P40 kada litro ang diesel at gasolina sa mga inikutang gasolinahan ng DOE. 

Pero paglilinaw ng DOE, marami raw ibang dahilan kung bakit mababa ang presyo at hindi agad nangangahulugan na smuggled ito o "maruming" klase ng langis.

“Baka kasi mura kasi siguro maliit 'yung operational costs nila, maliliit lang 'yung stations," ani DOE senior science research specialist Lovely Miranda.

Wala pang resulta ang mga lab test na isinagawa ng DOE.

—Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.