Presyo ng LPG, maaaring matapyasan sa Disyembre

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 08:34 PM | Updated as of Nov 24 2017 02:46 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Maaaring magkaroon ng rollback o bawas-presyo sa liquefied petroleum gas (LPG) pagsapit ng Disyembre, ayon sa LPG Marketers' Association.

Kung hindi man matapyasan ang presyo, puwedeng mapako lang ito.

"Kung hindi ito bababa, pareho lang ang presyo,” ani Rep. Arnel Ty ng LPG Marketers' Association.

Sa Disyembre 1 pa iaanunsiyo ang galaw sa presyo, pero kamakailan ay nagmura ang presyo ng imported na LPG.

Gayumpaman, tila nakontra ito dahil humina rin ang palitan ng piso kontra dolyar.

Inspeksiyon sa LPG tank

Inikot ng mga mambabatas nitong Huwebes ang pasilidad ng LPG dahil sa nakatenggang LPG bill sa Kamara.

Sa ilalim ng panukala, ang brand ang may-ari ng tangke pero dapat bayaran ng bumili nito kung gusto na niyang ibalik ang tangke. 

“The power of the consumer is he can demand a return of his deposit without presenting any invoice or proof,” ani Rep. Arnel Ty ng LPG Marketers' Association. 

Isinali rin sa panukala ang paglalagay ng marka kung paubos na ang laman ng tangke. 

Responsibilidad din ng brand ang pagsiguro na maayos ang tangke.

Ayon sa industriya, sa 14 milyon na LPG tanks sa Pilipinas, kalahati ang despalinghado o hindi ligtas.

Bukod sa kulang sa tao, magkaibang ahensiya rin ang nakaatas sa LPG.

“When it comes to cylinders, it’s the DTI [Department of Trade and Industry] that confiscates the cylinder,” ayon kay Assistant Secretary Leonido Pulido III ng Department of Energy.

Ipinakita rin sa media ang tamang paggawa ng tangke ng LPG mula sa ginagamit na bakal, paghinang, pagcheck kung may butas, pagluto hanggang sa pagpintura ng LPG tank. 

Sampung taon ang kayang itagal ng tangke bago ire-qualify. Kapag pumasa, kada limang taon ulit kailangang suriin ang mga tangke kung puwede pang gamitin.

Kapag hindi na puwede ang tangke, pipitpitin ito at hindi na maaaring i-recyle.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.