Tumaas ang presyo ng baboy at manok sa ilang pamilihan sa Metro Manila, na ayon sa mga taga-industriya'y dahil sa lumalaking demand dala ng unti-unting pagbubukas ng ekonomiya.
Narito ang presyo ng manok sa ilang pamilihan:
• Pasig Public Market
Nobyembre 22: P150 hanggang P160 kada kilo
Nobyembre 15: P140 hanggang P150 kada kilo
• Muñoz Market
Nobyembre 22: P170 kada kilo
Nobyembre 15: P150 kada kilo
• Litex Market
Nobyembre 22: P160 hanggang P180 kada kilo
Nobyembre 15: P140 hanggang P160 kada kilo
Ayon sa mga nagtitinda, matumal ang benta nila dahil sa taas-presyo.
Mula 500 kilo, nasa 300 kilo na lang umano ang nabebenta kada araw.
"Ang hirap magtinda 'pag mahal 'yong manok dahil inaalisan lang kami ng mga customer," sabi ng tinderang si Jocelyn Olithao.
Ipinaliwanag naman ng United Broiler Raisers Association (UBRA) na ang taas-presyo ay bunsod ng mataas na demand matapos magbukas ang ekonomiya.
Nag-iingat din umano ang grupo, lalo't mahal ang production cost at marami ang imported na manok.
Baboy
Samantala, narito naman ang presyo ng baboy sa ilang pamilihan:
• Mega Q Mart
- Kasim
Nobyembre 22: P330 hanggang P340 kada kilo
Nobyembre 15: P350 hanggang P360 kada kilo
- Liempo
Nobyembre 22: P360 hanggang P370 kada kilo
Nobyembre 15: P400 hanggang P420 kada kilo
• Pasig Public Market
- Kasim
Nobyembre 22: P320 hanggang P330 kada kilo
Nobyembre 15: P320 hanggang P340 kada kilo
- Liempo
Nobyembre 22: P340 hanggang P350 kada kilo
Nobyembre 15: P360 hanggang P4380 kada kilo
Ipinayo naman ni Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes sa mga mamimili na bumili ng mga mas murang pagkaing mapagkukuhanan ng protina.
Mas makakamura di aniya kung sa mga malalaki o pangunahing palengke bibili.
Noche Buena products
Ayon naman kay Philippine Amalgamated Supermarkets Association President Steven Cua, naghahanda na ang mga supermarket at kanilang suppliers at distributors ng mga promo o diskuwentong pang-Pasko.
Marami na rin aniya ang mga nag-o-order ng mga pang-Christmas basket.
Bukod sa promo, inaabangan din ang Noche Buena guide na ilalabas ng Department of Trade and Industry, kung saan makikita ang mga brand ng Noche Buena item na nagtaas o hindi nagtaas ng presyo ngayong taon.
Samantala, nasamsam kamakailan sa Port of Subic ang P70 milyong halaga ng puslit na gulay mula China.
Ayon kay Reyes, hindi naman bawal mag-angkat ng mga gulay pero dapat ideklara ito nang tama.
May nakakarating ding report sa Department of Agriculture na umabot na sa Baguio ang mga imported na gulay, ani Reyes.
— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.