Posibilidad ng 'rollback' sa SRP, pinag-aaralan ng DTI

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2018 03:12 PM | Updated as of Dec 22 2019 03:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinag-aaralan ng Department of Trade and Industry kung ibabalik nila sa orihinal na suggested retail price (SRP) ang mga bilihin sa merkado bunsod ng sunud-sunod na rollback sa presyo ng langis. 

Sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na nakikipag-ugnayan sila sa ibang ahensiya para makuwenta nang tama ang presyo ng mga pangunahing bilihin. 

Disyembre 1 inaasahan ang pag-anunsiyo kung magkakaroon ng paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin. 

"Tignan natin kung paano maibabalik sa previous SRP. Pinag-aaralan natin kung paano and mag-revert doon sa luma... so bago mag-December 1 [iaanunsiyo] kung babalik siya sa dati or hindi siya igagalaw, o ire-retain," aniya sa DZMM nitong Huwebes.

Naitala naman nitong linggo ang ikaanim na linggong sunud-sunod na rollback sa presyo ng langis. 

Pansamantalang pinahinto ng DTI ang dagdag-presyo ng ilang pangunahing bilihin bilang tugon sa pagbilis ng inflation rate ng bansa. 

Ayon sa tala ng grupong Laban Konsyumer, tumaas ng 15 porsiyento ang nabawas sa presyo ng petrolyo nitong huling 6 na linggo. - kasama ang ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.