Murang petrolyo sa Bulacan, iimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2018 07:32 PM | Updated as of Dec 22 2019 03:41 PM

Watch more in iWantTFC

Iimbestigahan ng Department of Energy (DOE) ang langis sa ilang gasolinahan sa Bulacan na ibinebenta nang mas mura kumpara sa Metro Manila, ayon sa isang opisyal ng ahensiya.

Nasa P36 hanggang P38 ang kada litro ng diesel sa ilang gasolinahan sa Bulacan, mas mababa ng P4 hanggang P6 sa diesel na ibinebenta sa Metro Manila, habang nasa P38 hanggang P40 naman ang kada litro ng gasolina, mas mababa ng higit P10 kaysa presyo ng gasolina sa Metro Manila.

Ayon kay Energy Undersecretary Donato Marcos, pupuntahan nila ang mga gasolinahan para alamin kung bakit mas mura ang presyuhan at kung ligtas ba itong ikarga.

"It is beneficial to the public dahil mura siya. Okay 'yon. Pero titingnan natin ang standards, quality ng kanilang ibinebenta kasi baka naman mayroon silang ibang consideration which is not aboveboard," ani Marcos.

Dinadayo pa ng mga motorista ang ilang gasolinahan sa Bulacan dahil sa mas murang langis.

"May dagdag sa amin na kita. Kasi mura lang eh, sana ganito lagi," sabi ng jeepney driver na si Ernesto Pantonial na nagpapakarga ng murang langis sa Bulacan.

"Mura siya sa lahat ng napuntahan ko rito saka malaki iyong matitipid," sabi naman ng motoristang si Sam Valenzuela.

BAWAS-PRESYO, INAASAHAN ULIT

Samantala, may namumuro na namang bawas sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo. 

Kung matutuloy, ito na ang ikapitong sunod na linggong may bawas-presyo.

Sa unang tatlong araw ng kalakaran sa pandaigdigan merkado, P1.73 na ang iminura ng imported diesel habang P0.67 naman sa gasolina.

Subalit maaari pa itong magbago depende sa trading hanggang Biyernes.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.