Basehan ng pagpresyo ng mga kompanya ng langis, bubusisiin

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 09:21 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Sabay-sabay at halos pare-pareho ang galaw sa presyo ng petrolyo kaya nagreklamo ang isang consumer group laban sa mga kompanya ng langis.

Nitong Miyerkoles, pinulong ng Energy department ang mga kinatawan ng mga kompanya ng langis na pumayag daw na i-unbundle o himayin ang presyo ng produktong petrolyo.

Ibig sabihin, isusumite ng oil companies ang mga impormasyon gaya ng presyo ng imported na petrolyo, epekto ng peso-dollar exchange, transport at delivery cost, at kahit ang profit margin o kita ng kompanya.

“By unbundling ‘yong rates nila, we can help determine kung reasonable ba ang ginagawa niyo o mayroon na bang anti-competitive practices na nangyayari,” ayon kay DOE Assistant Secretary Leonido Pulido III.

Kapag kasi nag-anunsiyo ng oil price hike o rollback ang isang kompanya, pareho lang din ang galaw maging ng mga maliliit na player sa industriya ng petrolyo.     

Ayon sa DOE, dapat hindi pare-pareho ang presyo ng produktong petrolyo sa mga gasolinahan kung magkaiba ang hinanguan ng produkto, ang transport at delivery cost, pati ang kita.

Depensa naman ng players, magkaiba ang presyo sa mga gasolinahan.

“Kunwari pumunta ka sa Fairview, mas mura doon. Kapag umakyat ka ng Baguio compared sa presyo sa Pangasinan, magkaiba,” ayon kay Atty. Bong Suntay, president ng Independent Philippine Petroleum Companies Association.

Sisimulan naman ng DOE-Department of Justice (DOJ) Task Force ang hiwalay pang imbestigasyon kapag nakompleto na ang bubuo sa DOJ panel.

Bahagi ng imbestigasyon ng Task Force ang pagpapatawag sa mga may-ari ng oil companies at pag-subpoena ng mga dokumento. 
 
-- Ulat nina Alvin Elchico at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.