PatrolPH

Pag-angkat ng bigas tuloy pa rin, hihigpitan: Agri chief

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2019 04:20 PM | Updated as of Nov 21 2019 07:02 PM

Hindi sususpendehin ng Pilipinas ang pag-angkat nito ng bigas pero magpapatupad ang bansa ng mas mahigpit na proseso kaugnay ng pagpasok ng imported rice, ayon kay Agriculture Secretary William Dar.

Binitiwan ni Dar ang pahayag matapos makipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte, na ipinag-utos noong Martes ang pansamantalang pagpapatigil sa pag-angkat ng bigas dahil panahon naman umano ng anihan ng mga lokal na magsasaka.

Sa halip na suspendehin ang importasyon, maghihigpit na lang umano ang gobyerno para matiyak na hindi sobra-sobra at may kalidad ang mga papasok na imported rice.

Hihigpitan daw ang pag-issue sa mga import permit tulad ng sanitary at phytosanitary import clearance.

"The agency will conduct pre-inspection at the point of origin of imported rice stock to ensure rice quality and safety for consumers and at the same time protect the spread of crop pests and diseases," ani Dar.

Watch more on iWantTFC

Sisilipin din umano ang record at kakayahan ng mga importer lalo at talamak daw ang smuggling sa bigas.

Para magkaroon din ng kita ang mga lokal na magsasaka, inatasan din ni Duterte ang National Food Authority na bumili ng mas marami pang palay sa mga magsasaka para gawing emergency buffer stock habang ang iba ay ibebenta sa mga palengke.

Inaprubahan ni Duterte noong Pebrero ang batas sa rice tariffication, na nagtatanggal ng limitasyon sa pag-angkat ng bigas kasabay naman ng pagpapataw ng taripa sa imported rice.

Dahil sa batas, dumami ang suplay ng inangkat na bigas sa bansa, na ayon sa mga kritiko ay naging dahilan ng paghina ng kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.

Nakiusap din si Dar sa mga kritiko ng rice tariffication law na bigyan muna ng pagkakataon ang bagong batas para maipakita kung ano ang maitutulong

-- May ulat mula sa Reuters at kay Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.