Mga mag-o-'overprice' ng Noche Buena items, pagpapaliwanagin

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2017 09:46 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagpakalat na ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga supermarket ng poster na naglalaman ng suggested retail price (SRP) ng mga panghanda sa Noche Buena.

Ayon kay DTI Undersecretary Ted Pascua, ang SRP ang magsisilbing gabay at ito na ang susunding presyo ng mga bilihin, maliban na lang kung magkaroon ng sakuna. 

Tiniyak din ng supermarket owners na iyon na ang presyo at sapat ang suplay ng mga produktong pang-Noche Buena.

"Wala kaming nararamdaman na may magiging problema [sa supply], kaya sana magtuloy-tuloy," ani Fidian Ples, secretary general ng Philippine Association of Supermarkets, Inc.

Nilinaw ng DTI na kahit hindi itinuturing na "basic commodities" o pangunahing bilihin ang mga produktong pang-Noche Buena, puwede pa ring ireklamo sa DTI ang mga tindahang nagbebenta ng mga produktong lagpas sa SRP ang presyo. 

Sakop ng SRP ang malalaking supermarket, pero hindi ang sari-sari at convenience stores.

Sinabi ni DTI Assistant Director Lilian Salonga na pagpapaliwanagin nila ang mga hindi susunod sa itinakdang presyo. 

“Ipapatawag namin sila or susulatan at bibigyan ng inquiry letter para ipaliwanag bakit hindi nila ma-comply ang SRP,” ani Salonga. 

Pinulong naman ni DTI Secretary Ramon Lopez nitong Martes ang National Price Coordinating Council.

Sa pangkalahatan, may ilang produktong tumaas ang presyo, pero karamihan ay high-end brands o sadyang mamahaling brand. 

"Ang importance here is, may choices 'yong consumers, puwede silang pumili pa rin ng presyo at brand na gusto nila," ani Lopez.

Samantala, nagbabala naman ang isang brand ng sardinas na may nakaambang dagdag-presyo sa unang quarter ng 2018 dahil sa pagmahal ng petrolyo at kakulangan ng isda.

"Towards the first quarter of the year, there could be another round of increase because of shortage of raw materials," paliwanag ni Greg Tung, president ng Ligo Sardines.

Sagot naman ng DTI, wala pang abiso sa kanila ang naturang brand at kung magmahal man, marami pang ibang brand na puwedeng pagpilian.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.