Muling magkakaroon ng bawas sa presyo ng produktong petrolyo simula Martes, Nobyembre 21.
Ayon sa anunsiyo ng mga kompanya ng langis, mababawasan nang P0.65 ang presyo ng kada litro ng diesel, P0.75 sa gasolina at P0.60 sa kerosene.
Hanggang ngayong Lunes, isang gasolinahan sa Novaliches, Quezon City ang may pinakamurang gasolina sa buong Metro Manila, na nasa P54.25 kada litro, base sa monitoring ng Department of Energy (DOE).
Pero bagaman marami nang gas station na mas mababa sa P55 ang litro ng diesel, mas mataas pa rin dito ang "common price" o kadalasang presyo ng diesel, lalo na ng mga kilalang oil company.
"Sa monitoring po ng DOE, ang common price 'yong frequently occurring, sa dinami-dami ng monitor natin, ang diesel na madalas na presyong lumabas ay around P62.30," ani Rodela Romero, assistant director sa ilalim ng DOE.
BAWAS PAMASAHE POSIBLE
Samantala, nangako ang mga transport group na babawasan ang P13 minimum na pasahe sa jeep kapag naging P56 hanggang P57 ang litro ng diesel.
Pero ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), kailangang dumaan sa approval nila ang ano mang bawas sa pasahe kahit napagkasunduan na ito ng mga transport group.
"Dapat po magkaroon ng motion o manifestation na willing po silang o voluntary po nilang ibinababa ang kanilang sinisingil na provisional fare po ngayon," ani LTFRB Executive Director Robert Peig.
Bawal din kasi, ayon sa LTFRB, ang undercharging o mas mababang pasahe kaysa sa itinakda ng gobyerno.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.