MAYNILA - Marami pa ring tsuper ang hindi makabiyahe gamit ang kanilang tradisyunal na jeep siyam na buwan mula ng tumama ang pandemya, ayon sa grupong PASODA-PISTON.
Nasa 130 na tsuper ang hindi pa makabiyahe sa may ruta ng Commonwealth Avenue sa lungsod Quezon kaya't namamalimos pa rin aniya ang ilan sa kanila, maitawid lang ang pangangailangan sa pang araw araw.
Daing pa ng grupo, hindi lahat ng kanilang miyembro ay nabigyan ng ayuda kahit nakapag-sumite na sila ng master list sa DOLE, DSWD at LTFRB kaya't nananawagan silang makabalik na sa pamamasada.
"Kahit po walang ayuda, basta po pabiyahehin lang po kami at malaking tulong po sa amin 'yun. Hindi namin po aasahan 'yung mga ganyang ayuda basta't pa-biyahehin lang po kami at 'yung araw-araw na kinikita namin, solve po sa aming pamilya," ayon kay Larry Valbuena, presidente ng PASODA PISTON sa panayam sa TeleRadyo.
Pero ayon sa LTFRB, mga lehitimong driver at operator lang puwedeng bigyan ng ayuda.
Kahit aniya may deed of sale ang tsuper, kung hindi nakapangalan ang jeep sa kanya ay hindi rin siya kwalipikado.
Mayroong ibang programa ang LTFRB na nakalaan sa mga tsuper, kabilang dito ang "direct cash subsidy" at "performance based subsidy" sa ilalim ng service contracting.
Ayon pa sa LTFRB, pinag-aaralan na nila ang mga ruta sa Commonwealth Avenue sa lungsod ng Quezon.
"Sa ruta po na pinag-usapan po ni mang Larry, 'yan po kasi nakikipag-ugnayan ang LTFRB sa iba-ibang ahensya po katulad ng MMDA at LGU lalo na ang kanilang ruta ay dadaan ng Commonwealth Avenue. So sa ngayon, meron tayong route study sa area na nasasakupan ng Commonwealth at EDSA," ayon kay Atty. Zona Tamayo LTFRB-NCR regional director.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Teleradyo, Tagalog News, direct cash subsidy, service contracting, LTFRB, DSWD, PUV, jeep, jeepney drivers, transportasyon, transportation, ayuda