PatrolPH

Presyo ng isda, gulay, manok sa ilang palengke sa Metro Manila tumaas

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2020 01:39 PM | Updated as of Nov 19 2020 08:07 PM

Presyo ng isda, gulay, manok sa ilang palengke sa Metro Manila tumaas 1
ABS-CBN News/File

(UPDATE) Tumaas ang presyo ng isda, gulay, at manok sa ilang palengke sa Metro Manila kumpara noong bago tumama ang 3 huling malalakas na bagyo.

Sa Kamuning Market sa Quezon City, halimbawa, naglalaro na sa P260 hanggang P280 ang kada kilo ng ampalaya mula sa dating P80 hanggang P100.

Umakyat naman sa P150 hanggang P160 ang kada kilo ng okra kumpara sa noo'y P50 hanggang P60, habang tumaas sa P170 hanggang P180 ang kada kilo ng talong mula P80.

  • Narito ang presyo ng ibang gulay sa Kamuning Market:
  • Pechay Tagalog - P170 hanggang P200 kada kilo mula P50
  • Kamatis - P190 hanggang P200 kada kilo mula P80
  • Kangkong - P15 hanggang P20 kada tali mula P10
  • Sitaw - P20 kada tali mula P10
  • Sibuyas na pula (local) - P220 hanggang P240 kada kilo mula P160 hanggang P170
  • Carrots - P90 hanggang P100 kada kilo mula P80

Wala namang paggalaw sa presyo ng kalabasa, repolyo, bawang at calamansi.

Sa isda, nasa P120 na ang kada kilo ng bangus mula P100 hanggang P150.

Wala namang paggalaw sa presyo ng tilapia, galunggong, baboy, at manok sa Kamuning Market.

Sa Pasay City Public Market, P10 hanggang P20 kada kilo ang itinaas ng presyo ng isda, base sa pag-iikot ngayong Huwebes ng ABS-CBN News.

Kasama rito ang bangus na P150 kada kilo na mula P140, galunggong na P200 kada kilo mula P190, at dalagang bukid na P200 kada kilo mula P180.

Watch more on iWantTFC

Wala namang paggalaw ang presyo ng tilapia (P110 kada kilo) at tulingan (P160 kada kilo).

Apektado rin ng mga nagdaang bagyo ang presyo ng mga gulay, lalo na iyong mga galing sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.

Sumipa sa P240 kada kilo mula P120 ang presyo ng ampalaya habang P150 kada kilo naman mula P80 ang presyo ng talong.

Narito ang ibang presyo ng gulay:

  • Kamatis - P180 kada kilo mula P120
  • Pechay - P15 kada tali mula P10
  • Kangkong - P10 kada tali mula P5
  • Repolyo - P90 kada kilo mula P70
  • Sitaw - P20 kada tali mula P10
  • Okra - P10 kada tali mula P5
  • Kalabasa - P40 kada kilo mula P30
  • Cauliflower - P200 kada kilo mula P180

Tumaas naman sa P140 ang kada kilo ng manok mula P130.

Sa tala ng Department of Agriculture (DA), umabot na sa P12.3 bilyon ang halaga ng pinsalang iniwan ng mga bagyong Quinta, Rolly, at Ulysses sa agrikultura.

Nagpaalala ang DA sa mga trader at retailer na sumunod sa price freeze na umiiral sa Luzon matapos isailalim sa state of calamity.

Inatasan ng DA ang Bantay Presyo Task Force para i-monitor ang pagsunod sa itinakdang suggested retail price ng mga piling produkto.

-- Ulat nina Anjo Bagaoisan at Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.