Presyo ng hamon tumaas: DTI

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2019 03:45 PM | Updated as of Nov 18 2019 07:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng hamon sa ilang pamilihan kasunod ng pag-apruba ng Department of Trade and Industry (DTI) sa hiling ng mga manufacturer nito.

Sa price monitoring o pag-iikot ng DTI sa mga pamilihan ngayong Lunes, sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na tumaas ng 2 hanggang 11 porsiyento ang presyo ng mga tindang hamon, depende sa laki nito.

Humirit ang mga manufactuer ng hamon sa DTI ng taas-presyo dahil sa pagmahal ng raw materials, ayon kay Lopez.

Tumaas naman ng P10 hanggang P30 ang presyo ng hamon, kumpara sa mga presyo noong nakaraang taon, base sa datos ng DTI.

Nasa P155 hanggang P189 ang range ng 500 gramo ng hamon noong Oktubre 2019 mula P145 hanggang P169 noong Oktubre 2018, ayon sa DTI.

Mula naman sa P270 hanggang P949 na price range noong Oktubre 2019, naging P299 hanggang P1,025 na ang presyo ng isang kilong hamon.

Wala namang nakita ang DTI na pagtaas sa presyo ng ibang Noche Buena products.

Nauna nang sinabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na wala nang aasahang taas-presyo sa Noche Buena products hanggang matapos ang 2019.

Samantala, higit 160 kahon ng substandard Christmas lights ang kinumpiska ng DTI sa isang tindahan sa Maynila ngayong Lunes.

Walang marka ng product safety standard o ng Import Commodity Clearance (ICC) mark ang mga pailaw.

Binigyan din ng notice of violation ang may-ari ng tindahan. -- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.