'Duterte dapat makialam kapag presyo ng bilihin tumaas pa'

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2018 01:08 PM | Updated as of Nov 18 2018 01:32 PM

Mga mamimili sa isang grocery sa Maynila. Mark Demayo, ABS-CBN News/File

Dapat mamagitan na si Pangulong Rodrigo Duterte sakaling tumaas pa ang presyo ng mga pangunahing bilihin habang papalapit ang Pasko, sabi ng Federation of Philippine Industries (FPI).

Ayon kay FPI Chairman Jesus Aranza, mas papakinggan ng mga negosyante kung ang pangulo ang makikiusap sa kanila na huwag nang magtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Wala na rin daw dahilan ang mga negosyante na magtaas ng presyo dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng langis at paglakas ng halaga ng piso.

"It's a matter of appealing to them. Ako, I can appeal but I have no power like the president and no power like a secretary nor a lawmaker so it's only the executive [branch] that can do it," sabi ngayong Linggo ni Aranza sa isang press conference sa Maynila.

Watch more in iWantTFC

Nauna nang sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na tiniyak na sa kanila ng mga manufacter na hindi na magtataas ng presyo ang mga produktong ginagamit panghanda ng Noche Buena.

Nangako na rin daw ang mga manufacturer ng mga de-latang karne na hindi gagalaw ang presyo ng kanilang mga produkto hanggang Disyembre.

Mayroon namang nakaambang pagtaas sa presyo ng mga de-latang sardinas sa Disyembre.

Nag-anunsiyo na rin simula noong Sabado ang ilang kompanya ng langis na magkakaroon sila ng bawas sa presyo ng kanilang mga produkto. Ito na ang ikaanim na sunod na linggo ng rollback sa petrolyo.

-- May ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.