Presyo ng ham, queso de bola at fruit cocktail, tumaas

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2017 07:40 PM | Updated as of Nov 18 2017 09:55 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Tumaas na ang presyo ng ilang produktong pang-Noche Buena gaya ng ham, queso de bola at fruit cocktail, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni DTI assistant director Lilian Salonga na naglalaro sa P5 hanggang P11 ang itinaas sa presyo ng ilang brand ng ham.

"Kapag sinabi nating Noche Buena, hindi mawawala ang hamon. Iyan talaga ay mataas ang demand pagdating sa mga ganitong panahon at siyempre marami rin factors na nag-a-attribute sa pagtaas nito," paliwanag ni Salonga. 

Nasa P10 hanggang P14 naman ang dagdag-presyo sa queso de bola, depende sa brand. May bahagyang pagtaas din sa presyo ng fruit cocktail.

Wala pang paggalaw sa presyo ng pasta, macaroni at ilang brand ng condensada at creamer.

Samantala, tumaas din ang presyo ng manok at bigas ilang linggo bago ang Pasko.

Kamakailan lamang, inilabas ng DTI ang suggested retail price (SRP) ng mga produktong pang-Noche Buena. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.