PatrolPH

Ilang brand ng Noche Buena products nag-abiso ng taas-presyo

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2021 03:01 PM | Updated as of Nov 17 2021 06:59 PM

Watch more News on iWantTFC

(UPDATE) Nag-abiso na sa mga pamunuan ng mga supermarket ang ilang brand ng mga Noche Buena product na magkakaroon sila ng pagtaas sa presyo ng kanilang produkto.

Kasama umano dito ang mga brand ng ham, pasta, fruit cocktail, tomato sauce at iba pang condiment o pampalasa.

Nasa 5 porsiyento ang itataas ng presyo ng ilang brand ng ham.

Pero ayon kay Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Groceries Association, kahit may mga brand na magtataas ng presyo, mayroon din ilang brand na magtatapyas ng presyo nang hanggang 16 porsiyento.

Sa susunod na linggo pa nakatakdang ilabas ng Department of Trade and Industry (DTI) ang listahan ng Noche Buena items.

Base sa datos ng DTI, sa 191 Noche Buena products na mino-monitor, 21 ang may bawas-presyo, 94 ang hindi gagalaw habang 76 ang may dagdag-presyo.

Ang mga hindi magtataas at magbababa lang ng presyo ang ipa-publish ng DTI sa listahan.

Umapela si Castelo sa publiko na tangkilikin ang mga Noche Buena product na hindi magtataas o magbabawas pa ng presyo kung kapos sa budget.

Hanggang katapusan ng taon naman nakapangakong walang dagdag-presyo ang Pinoy tasty at Pinoy pandesal. 

Presyo ng petrolyo

Samantala, inaasahang magkakaroon ulit ng rollback sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Base kasi sa unang 2 araw ng trading, bumaba nang P1.22 ang presyo ng kada litro ng diesel, P0.82 kada naman sa kada litro ng gasolina at P1.21 sa kada litro ng kerosene. 

Sakaling matuloy, iyon ang magiging ikatlong sunod na linggong may bawas sa presyo ng petrolyo.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

FROM THE ARCHIVES

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.