Grupo nagbabala sa epekto ng 'truck holiday' sa presyo ng mga bilihin

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2018 08:59 PM | Updated as of Feb 24 2020 12:58 PM

Watch more in iWantTFC

Nagbabala ang grupo ng supermarket owners sa posibleng epekto sa presyo ng mga bilihin sa merkado ng truck holiday, o ang planong pansamantalang tigil-biyahe ng isang samahan ng truckers sa susunod na linggo. 

Paliwanag ni Steve Cua ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association, kaunti ang mailalaang stocks sa mga distributor kung itutuloy ng mga grupo ng truck driver ang hindi pagbiyahe, at magreresulta ito sa taas-presyo ng mga bilihin. 

"Ang problema 'yung distributors, sila 'yung walang maibebenta... Kakaunti na lang 'yung i-aallocate nila [na stock] sa mga tinda-tindahan... So tataas ang presyo para 'di pag-aagawan [yung stocks]," ani Cua. 

Isasagawa ng ilang grupo ang truck holiday bilang protesta sa pag-iipon umano ng mga container na walang laman sa mga pantalan ng Maynila, at sa pressure mula sa Department of Transportation na palitan ang mga lumang truck kahit na maayos pa umano ang ilan dito. 

Katuwiran ni Inland Haulers and Truckers Association president Teddy Gervasio, naroon kasi ang bantang maulit ang Manila Port Congestion noong 2014 kung saan halos hindi na gumagalaw ang daloy ng trapiko sa Maynila at sumipa ang presyo ng ilang inaangkat na bilihin. 

"Rather than spending our whole day and night sa kalsada siguro once and for all hihinto na lang kami," aniya. 

Sa isang pahayag ng DOTr, "maliit" at hindi ganoong mararamdaman ang epekto ng gagawing protesta. 

"DOTr assures the public that the impending 'truck holiday' pushed for by small independent trucking groups regarding the phaseout of trucks based on year model will have 'minimal' effect on port operations," anila sa isang pahayag. 

Sa hiwalay na pahayag nilinaw ni Land Transportation and Franchising Regulatory Board Chairman Martin Delgra na pansamantalang pinapayagan ang mga truck na may edad 15 years pataas na bumiyahe basta pasado ang mga ito sa roadworthiness inspection. 

Nagpahayag din ang ilang grupo na hindi sila naniniwalang solusyon ang truck holiday sa kanilang mga hinaing. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.