Bawas-singil sa petrolyo, inaasahan sa susunod na linggo

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2018 07:39 PM | Updated as of Feb 26 2020 12:55 PM

Watch more in iWantTFC

Posibleng magkaroon ng bawas sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, base sa mga pagtataya na kinumpirma ng mga source ng ABS-CBN News.

Pero mas maliit umano ang inaasahang bawas-presyo sa darating na linggo kompara sa bawas-presyong ipinatupad ngayong linggo.

Mula Lunes hanggang Miyerkoles, higit P1 ang ibinagsak sa presyo ng inangkat na gasolina habang lagpas P0.70 naman sa diesel.

Subalit maaari pang mabago ang galaw sa presyo depende sa huling dalawang araw ng trading sa pandaigdigang merkado.

Noong Martes, nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng bawas-presyo sa petrolyo, ang ikalimang sunod na linggong nagkaroon ng bawas-presyo.

Nasa P2 ang bawas sa kada litro ng gasolina, P2.30 hanggang P2.50 naman sa kada litro ng diesel at P1.85 sa kada litro ng kerosene, ayon sa abiso ng mga kompanya.

Mula Oktubre 15 hanggang Nobyembre 15, naglalaro sa P7.70 hanggang P7.80 kada litro ang nabawas sa presyo ng gasolina.

Naglalaro naman sa P5.05 hanggang P5.15 kada litro ang bawas sa diesel. 

TAAS-INTERES SA BILL DEPOSIT, INALMAHAN

Samantala, tinutulan naman ng Manila Electric Company (Meralco) at mga electric cooperative ang balak ng Energy Regulatory Commission (ERC) na taasan ang interes sa bill deposit sa kuryente.

Ang bill deposit ay obligadong bayaran ng mga konsumer at nagsisilbing "stock fund" kapag may panahong hindi nakakabayad ang mga ito ng kanilang kuryente.

Mula sa kasalukuyang 0.10 porsiyento kada taon, plano ng ERC na gawing anim na porsiyento kada taon ang interes sa bill deposit ng kuryente.

Pero ayon sa Meralco, dapat "fair" o patas ang ipataw na interes at huwag masyadong mataas.

Ayon naman kay Presley De Jesus, pangulo ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association, imumungkahi nilang huwag na lang maningil ng bill deposit.

"When we heard na six percent, masyadong malaki talaga. 'Di namin alam kung saan kukuhanin 'yong pera na ibabalik sa mga member-consumer namin," ani De Jesus.

"Ita-tackle namin sa board na puwede sigurong huwag na kaming maningil ng bill deposit. Anyway, isasauli din namin sa mga member-consumer namin."

Bukas naman daw ang ERC sa mga mungkahi pero pag-aaralan pa muna ang mga ito, anang tagapagsalita ng komisyon na si Rexie Baldo-Digal.

"Lahat ng kanilang suhestiyon ay pag-aaralan, titimbangin at sa huli pa rin, siyempre ang mandato ng komisyon ay para protektahan ang mga konsumidor," aniya.

Sa Disyembre malalaman ang hatol ng ERC sa isyu ng bill deposit sa kuryente. --Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.