Sahod ng mga empleyadong 'work from home' pareho pa rin: labor group

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 11:46 AM | Updated as of Nov 14 2019 02:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Iginiit ng isang labor group na pareho pa rin ang sasahurin ng mga empleyadong sakop ng "work from home" scheme, na layong bawasan ang dami ng sasakyan sa daan na ginagamit sa pagpasok sa mga opisina. 

Ito ay matapos mangamba ang ilang mambabatas na posibleng mabawasan ang sahod ng mga manggagawa, maging ang makukuhang benepisyo ng mga ito, kapag work from home ang kanilang ginagawa. 

Ayon kay Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) spokesperson Alan Tanjusay, may mutual agreement kasi dapat ang mga manggagawa at employers sa kanilang magiging work arrangement. 

"Bago po kasi pumasok sa programa 'yung [employer] magsa-submit sila ng report sa DOLE (Department of Labor and Employment) at ipapaaalam na magkakaroon sila ng work from home scheme," ani Tanjusay sa panayam sa DZMM nitong Huwebes. 

"Sa batas wala namang mababawas sa sahod, sa overtime, at sa mga benepisyong natatanggap ng manggagawa."

Para kay Tanjusay, mas mababawasan pa ang gastos ng opisina sa renta at kuryente kung magkakaroon ng work from home scheme. 

Ang budget daw na dapat paglalaanan ng renta at kuryente ay maaari naman daw ilaan sa mga kagamitan ng mga empleyadong magtatrabaho sa kanilang bahay.

Ang magiging isyu lang dito, ayon kay Tanjusay, ay ang problema sa internet at ang pag-check sa attendance. 

Pero marami pa aniyang employer na hindi bukas sa naturang scheme.

Disyembre 10, 2018 nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11165 o Telecommuting Act. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.