Presyo ng mga pang-Noche Buena, 'nakapako' na

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2018 03:10 PM | Updated as of Nov 14 2018 08:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tiniyak ng mga manufacturer ng mga produktong ginagamit panghanda ng Noche Buena na hindi na magtataas ang kanilang mga presyo hanggang sa dulo ng taon, sabi ngayong Miyerkoles ng Department of Trade and Industry (DTI).

"Mayroon ho silang (manufacturer) commitment na 'di po nila itataas 'yong kanilang mga produkto hanggang end of the year," sabi ni Gerry Calderon, division chief sa DTI.

Kabilang sa mga produktong napako na ang presyo hanggang matapos ang 2018 ang sandwich spread, mayonnaise, fruit cocktail, pasta, keso, at keso de bola. 

Noong nakaraang buwan, naglabas ng listahan ang DTI ng suggested retail price (SRP) para sa ilang produktong ginagamit panghanda ng Noche Buena o iyong pagsasalo-salo sa gabi bago ang Pasko.

Tiniyak din ng mga manufacturer sa DTI na sapat ang suplay ng mga produkto para sa Noche Buena at maging sa Media Noche, na salo-salo naman sa hatinggabi ng Bagong Taon.

SARDINAS

Sinabi rin ng DTI na maglalabas sila sa Disyembre ng listahan ng bagong SRP para sa ilang brand ng de-latang sardinas.

Sinabi noong Martes ng grupong Canned Sardines Association of the Philippines na nag-abiso sila sa DTI ng 5 porsiyentong taas-presyo o P0.50 hanggang P0.60 dagdag sa kada lata ng sardinas.

Kabilang sa mga binanggit na dahilan ng grupo para sa taas-presyo ang pagmahal ng raw materials, bayad sa mga manggagawa, petrolyo, at palitan ng piso.

Humingi din ng P0.50 dagdag sa presyo ng kanilang mga produkto ang National Sardines Foundation of the Philippines.

Watch more in iWant or TFC.tv

Dahil umano ito sa matumal na huli sa mga isdang tamban na ginagawang de-latang sardinas.

"Ang sardine fishing natin ngayon especially 'yong commercial fishing, wala nang masyadong tamban doon sa open sea," ani Edgar Lim, pangulo ng National Sardines Foundation of the Philippines.

Ayon naman sa Southern Philippines (Sophil) Deep Sea Fishing Association, mula P18, umabot na sa P32 ang presyo ng kada kilo ng tamban.

Dagdag pa ni Sophil president Jaydrick Johnson Yap, bagaman bumaba ang presyo ng langis noong mga nagdaang linggo, tumataas naman ang kanilang operational expenses.

"The problem is 'yong operational cost namin para makabawi kami sa ilang days na mahina ang huli, kasi ang fuel kasi with or without catch, same consumption of fuel pa rin ang ginagastos namin," ani Yap.

Sa Disyembre inaasahang matatapos ang tatlong buwang pagbabawal sa paggalaw ng presyo ng ilang bilihin, kabilang ang sardinas, kaya umaasa ang mga kompanya na aaprubahan ng DTI ang kanilang hiling.​

Sa ngayon ay may sapat na suplay pa ng sardinas ang mga kompanya pero posible raw itong maapektuhan ng closed-fishing season sa Disyembre.

Sa Marso pa ang open season kung kailan makababawi ang mga fishing at canning company.

Nangako naman ang mga manufacturer ng mga de-latang karne, gaya ng corned beef at meat loaf, na hindi gagalaw ang presyo ng kanilang mga produkto hanggang Disyembre. -- May ulat nina Alvin Elchico at RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.