Presyo ng itlog tumaas dahil sa lumobong demand; ASF sinisi

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2019 10:54 AM | Updated as of Nov 13 2019 07:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Tumaas ang presyo ng itlog sa ilang pamilihan sa Quezon City, na isinisisi ng ilan sa pagkalat ng African swine fever (ASF) at sa pagtaas ng demand sa mga produkto ng manok. 

Ayon kay Gregorio San Diego, chairman ng Philippine Egg Board, tumaas ang demand sa manok ngayong mayroong pangamba sa ASF.

"Sana naman malutas ang problema sa baboy na kasama din natin sa industriya. Pero hangga't hindi nareresolba ang problema diyan, siyempre lilipat 'yung tao sa ibang source ng protina," ani San Diego. 

Ngayong bumaba na ang suplay na sinabayan ng pagtaas ng demand, nagresulta umano ito sa taas-presyo sa ilang pamilihan, dagdag niya.

Nasa P5.10 hanggang P5.40 kada piraso ang farm gate price ng maliliit na itlog kaya nasa P5.50 hanggang P6.20 kada piraso ang presyo nito sa merkado. 

Sa isang tindahan sa Mega Q Mart sa Quezon City, tumaas sa P6 hanggang P6.40 ang kanilang bentahan - na sinisisi sa kakulangan ng suplay. 

"Kulang talaga ng suplay, mas lumiit rin ang mga itlog. Dati 15 trays, ngayon 10 or minsan 8 nalang naibibigay. P200 hanggang P190 per tray ang bigayan, dati P150 hanggang P160 lang," ayon sa tindera na si Mea Rose Tandure. 

Pero may ilan naman na nagsasabing malakas ang kanilang bentahan dahil may sarili silang mga poultry farm na pinagkukuhanan. -- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.