Taas-presyo ng sardinas sa Disyembre, nagbabanta

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2018 06:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabanta ang pagtaas sa presyo ng mga de-latang sardinas sa Disyembre, matapos ang abiso para sa taas-presyo ng isang grupo ng mga manufacturer ng naturang produkto. 

Ayon kay Marvin Lim, presidente ng Canned Sardines Association of the Philippines, nagpasabi na sila sa Department of Trade and Industry (DTI) ng limang porsiyentong taas-presyo o P0.50 hanggang P0.60 dagdag sa kada lata ng sardinas.

Kabilang sa mga binanggit ni Lim na dahilan para sa taas-presyo ang pagmahal ng raw materials, bayad sa mga manggagawa, petrolyo, at palitan ng piso.

"Because of the increases in raw materials... we really need to increase by December 1," sabi ni Lim sa panayam ng ABS-CBN News.

"Talagang marami pong nag-increase na, pati labor, lahat po talaga," aniya. 

Inihayag ang nagbabadyang taas-presyo sa kabila ng apela sa DTI ng grupong Laban Konsyumer na ibaba ang presyo ng mga bilihin bunsod ng sunod-sunod na pagbaba ng presyo ng petrolyo.

Pero paliwanag naman ng isang grupo ng mga supermarket owner, hindi madali ang biglaang pagbaba sa presyo ng mga bilihin.

Marami raw kasing stock na nakaimbak na nabili pa sa mas mahal na presyo, ayon kay Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association.

Kaya ang diskarte raw ng mga manufacturer ay magdikit ng mga libreng item sa ibinebentang produkto.

Nangako naman ang mga manufacturer ng mga de-latang karne, gaya ng corned beef at meat loaf, na hindi gagalaw ang presyo ng kanilang mga produkto hanggang Disyembre.

Wala namang panibagong paggalaw sa presyo ng mga produktong ginagamit sa paghahanda ng Noche Buena.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.