PatrolPH

Meralco may taas-presyo muli sa buwan ng Nobyembre

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2021 01:59 PM | Updated as of Nov 13 2021 12:47 AM

Inaasikaso ng ilang linemen ang mga poste ng kuryente sa isang lansangan sa Mandaluyong noong Setyembre 15. George Calvelo, ABS-CBN News
Inaasikaso ng ilang linemen ang mga poste ng kuryente sa isang lansangan sa Mandaluyong noong Setyembre 15. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA— May dagdag-singil na aasahan sa bill ng Meralco ngayong Nobyembre, anunsiyo ng power distributor ngayong Biyernes. 

Ito na ang ika-8 buwan na sunod-sunod na nagkaroon ng taas-singil ang kompanya. 

Paliwanag nila, ito ay dulot ng Malampaya maintenance shutdown. Marami kasing plantang gumamit ng mas mahal na fuel.

"Wala namang option at that time... Kung 'di sila gumamit ng mas mahal na fuel, magkakaroon naman ng supply problems," ani Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga. 

Katumbas ito ng P65 dagdag-singil sa mga kumokonsumo ng 200 kilowatt kada oras (kwh), P97 para sa kumokonsumo ng 300 kwh, P130 para sa mga kumokonsumo ng 400 kwh, at P162 para sa mga kabahayang kumokonsumo ng 500 kwh. 

Mas malaki pa dapat ang dagdag-singil kung hindi kinausap ng Meralco ang ibang suppliers na utay-utayin muna ang ibang charges hanggang 2022. 

"'Yung sa December dapat may P0.52 pa pero ang magiging add on is P0.13 lang muna. Imbes na malaking increase, installment na lang for 4 months," ani Meralco Utility Economics Head Engineer Larry Fernandez. 

Maaalalang nagkaroon ng serye ng taas-presyo sa produktong hanggang nitong Oktubre, bagay na nagtulak sa mga tsuper na humingi ng fuel subsidy. 

Aabot na sa dagdag na mahigit P1 kada kwh ang nadagdag sa bill ng Meralco sa mga serye ng dagdag-singil. 

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.