Negosyo centers planong dagdagan para ang mga OFW ay magbalik-Pinas

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2019 08:13 PM

Plano ng Department of Trade and Industry na palawigin pa ang mga programang nag-aalok ng mga oportunidad para makapagtayo ng sariling negosyo ang mga overseas Filipino worker. 

Planong dagdagan ang mga Negosyo Center sa bansa para mahikayat ang mga OFW na bumalik sa bansa. 

Target ng Department of Trade and Industry na dagdagan pa ng 400 ang mahigit 1,000 Negosyo Center sa bansa na aasikaso sa mga papeles ng mga nais magnegosyo. 

Ito ay para mahikayat ang mga OFW na magbalik sa bansa at magpatayo ng negosyo. 

"It (negosyo) doesn't have to be sari-sari store. Kung caregiver ka negosyo sa caregiving… May susulatan kang form tapos 'yung negosyo, hindi kailangang business plan," paliwanag ni Trade Secretary Ramon Lopez. 

Sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration, bumaba sa 2.044 milyon ang bilang ng mga Pinoy na nangibang-bayan noong 2017 kumpara noong 2016, na nasa 2.112 milyon. Katumbas ito ng 3.19 porsiyento. 

Isa rito ang dating OFW sa Saudi na si Mervin Comia, na sumabak sa delivery service at ipinasok ang kaniyang kita para magpatayo ng sari-sari store. 

Doble na raw ngayon ang kinikita ni Comia kumpara sa sahod niya bilang OFW. 

"Ok ang kita, may oras pa sa pamilya," ani Comia. 

Pero sa datos ng POEA, lumalabas din na mas dumami ang mga rehire, o iyong mga OFW na piniling bumalik sa employer nila abroad, mula 1.085 milyon noong 2016 sa 1.136 milyon noong 2017. 

May ibinibigay din na 20,000 livelihood assistance ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa mga hirap na OFW. 

Pero naniniwala si Sen. Cynthia Villar na kailangan pa ring pag-aralan kung sapat pa ba ang suportang ibinibigay ng pamahalaan sa kanila. 

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.