Presyo ng diesel, tatapyasan ng P2 kada litro simula Martes

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2018 12:25 PM | Updated as of Nov 12 2018 05:21 PM

(UPDATED) Nag-anunsiyo ang ilang kompanya ng langis na magkakaroon ng bawas sa presyo ng kanilang mga produkto simula Martes, Nobyembre 13.

Ayon sa Shell, Petro Gazz, PTT Philippines, Flying V, SEAOIL, Caltex, Phoenix Petroleum, Jetti Pump, at Eastern Petroleum, P2 ang kanilang ibabawas sa kada litro ng diesel.

Nasa P2.30 naman ang bawas sa kada litro ng gasolina ng Shell, PTT Philippines, Jetti Pump, Flying V, Caltex, SEAOIL, at Eastern Petroleum, habang P2.50 naman ang bawas-singil ng Petro Gazz at Phoenix Petroleum sa gasolina.

Magpapatupad naman ang Shell, Caltex, Flying V, at SEAOIL ng P1.85 bawas sa kada litro ng kerosene.

Magiging epektibo ang mga bagong presyo simula alas-6 ng umaga sa Martes. --May ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.