Pagbawi sa P2 dagdag-pasahe, sinisilip dahil sa serye ng rollback sa langis

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2018 08:37 PM | Updated as of Dec 16 2019 12:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Balak ipabawi ng isang board member ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kaaapruba lang na dagdag sa minimum na pasahe sa mga jeep dahil sa serye ng mga bawas-presyo sa petrolyo.

Humingi si LTFRB board member Aileen Lizada ng meeting sa mga kapwa board member para talakayin kung maaaring bawiin ang P2 taas-pasahe sa jeep na inaprubahan noong nakaraang buwan at nag-akyat sa halaga ng minimum na pasahe sa jeep sa P10.

"While everything is going down, ano ba kami, dito pa rin ba kami maiiwan sa P10? We cannot close our eyes sa mga nangyayaring rollback, ano'ng gagawin natin ngayon?" sabi ni Lizada sa panayam ng radyo DZMM.

Nag-anunsiyo ang ilang kompanya ng langis ngayong Lunes na magkakaroon ng bawas sa presyo ng kanilang mga produkto simula Martes, Nobyembre 13.

Nasa P2 ang bawas sa kada litro ng gasolina, P2.30 hanggang P2.50 naman sa kada litro ng diesel at P1.85 sa kada litro ng kerosene, ayon sa abiso ng mga kompanya.

Ito na ang ikalimang sunod na linggong nagkaroon ng bawas-presyo sa petrolyo, na bunga ng patuloy na pagbagsak ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado dahil sa sobra umanong supaly ng langis sa mundo.

Mula Oktubre 16 hanggang Nobyembre 13, naglalaro sa P7.70 hanggang P7.80 kada litro ang nabawas sa presyo ng gasolina.

Naglalaro naman sa P5.05 hanggang P5.15 kada litro ang bawas sa diesel.

Pero kung kukuwentahin mula sa umpisa ng taon, kapag binangga ang lahat ng bawas-presyo sa lahat ng taas-presyo, nasa P9.90 kada litro pa rin ang itinaas ng diesel habang P6.87 kada litro ang taas sa gasolina.

Samantala, umapela din ang Laban Konsyumer sa Department of Trade and Industry na kalampagin ang mga negosyante na ibaba ang presyo ng bilihin dahil na rin sa serye ng bawas-presyo sa petrolyo.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.