SSS branches na nagpoproseso ng UMID-ATM cards, dumami pa

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2017 06:55 PM

Mahigit 34,000 miyembro ng Social Security System (SSS) ang maaari na ngayong mag-withdraw sa automated teller machines (ATM) ng kanilang benepisyo at inutang sa SSS, gamit ang kanilang Unified Multi-purpose Identification (UMID) cards.

Ayon kay SSS president at chief executive officer Emmanuel Dooc, mas pinadadali nitong sistema ang pagbibigay sa mga miyembro ng benepisyo, tulad ng para sa mga may kapansanan, retirado, at self-employed na may buwanan ding kontribusyon sa SSS.

Mainam din daw ito para mas mabilis na makuha ang sickness at maternity claims at ilang pautang para sa mga miyembro tulad ng salary at calamity loans.

"Doing direct transfer of funds for loans and benefit proceeds to the UMID card ATM accounts is safer and faster... As soon as the loan is approved by SSS, it will only take at least 24 hours for our members to withdraw it from their bank accounts," ani Dooc.

Ayon sa inilabas na pahayag ng SSS, simula Nobyembre 2013, ilang bangko na ang inanyayahang makiisa sa UMID-ATM program

Sa ngayon, apat na bangko na ang may kasunduan sa SSS para makibahagi sa pagpapatupad ng programa.

Dagdag ng SSS, UnionBank of the Philippines (UBP) ang pinaka-unang nakakompleto ng mga rekisito para sa programa at nagsimula nang maglatag ng kiosks sa mga sangay ng SSS noong 2016.

Maaaring i-activate ang UMID card sa UBP kiosks sa pitong sangay ng SSS: Baguio, Diliman, Manila, Buendia, Cebu, Pioneer. at Davao.

Inaasahang magkakaroon ng UBP kiosks sa siyam na iba pang sangay ng SSS bago magpalit ang taon.

Tanging UMID card lang ang kinakailangang ipakita para ma-activate ang ATM.

Paalala ng SSS, walang bayad para sa mga miyembro ang UMID card na puwedeng gamitin sa ATM.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.