PatrolPH

ALAMIN: Mga pautang ng SSS, GSIS, Pag-IBIG sa mga binagyo

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2020 04:23 PM | Updated as of Nov 11 2020 08:01 PM

ALAMIN: Mga pautang ng SSS, GSIS, Pag-IBIG sa mga binagyo 1
Nililinis ng mga residente ng Barangay Ilawod sa Camalig, Albay ang kanilang mga bahay noong Nobyembre 6, 2020, ilang araw matapos manalasa ng bagyong Rolly. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

(UPDATE) Nawasak ng bagyong Rolly ang bahay ng mga magulang ni Niño Clarito sa Camarines Sur kaya pumila agad siya sa Home Development Mutual (Pag-IBIG) Fund para sa multi-purpose loan.

"Ipapadala ko agad para maipaayos at pambili na rin ng gamot at pagkain," ani Clarito.

Sa loob ng 2 araw makukuha ni Clarito ang loan sa pamamagitan ng cash card, pero sa mga lugar na nasalanta ng bagyo, manual ang gagawing proseso ng loan dahil sa kawalan ng internet at kuryente.

Nasa P4.4 bilyon ang inilaan ng Pag-IBIG para sa calamity loan o 80 porsiyento ng savings dahil sa sunod-sunod na bagyo.

"Kung wala po tayong internet connection o kuryente, puwede pong physical ang pag-avail ng loan. Nag-coordinate na po kami sa mga local government unit sa Bicol para makapag-set up po kami ng service desk," ani Pag-IBIG Spokesperson Kalin Franco-Garcia.

Pinag-aaralan pa ng Social Security System (SSS) kung mag-aalok muli ng calamity loan dahil P28 bilyon na ang nailabas ng ahensiya sa naunang calamity loan dahil sa COVID-19.

Pero sa ngayon, puwede namang mag-salary loan online sa SSS ng hanggang P40,000.

"Kailangan lang magrehistro sa my.sss at 'yon nga pong disbursement account na puwedeng savings account o PayMaya o M Lhuillier, puwede pong piliin niyo 'yon at i-enroll niyo sa inyong my.sss para doon niyo maa-avail ang ating salary loan online," ani SSS Spokesperson Fernan Nicolas.

Tuloy din sa Government Service Insurance System (GSIS) ang P20,000 na emergency o calamity loan pero kung mas malaki ang pangangailangan, puwedeng mag-multi-purpose loan.

Kung kaya ng suweldo, puwede umanong pagsabayin ang 2 utang.

"Basta kaya pa ng kaniyang paying capacity, basta ang kaniyang net-take home pay, huwag bababa ng P5,000," ani GSIS Executive Vice President Nora Malubay.

Kung walang internet o kuryente sa lugar ng miyembro, gaya ng Bicol, puwedeng gawing over-the-counter o idaan sa mobile kiosks ang pagpa-file ng loan. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.