Presyo ng manok sisikaping ipako sa gitna ng mataas na demand: grupo

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2019 06:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sisikapin ng grupo ng livestock farmers na hindi na pataasin pa ang presyo ng manok sa merkado ngayong Kapaskuhan.

Marami kasing mamimimili ang nababahala na baka lumobo ang presyo ng manok, lalo't tumaas nang 20 porsiyento ang demand dito dahil sa takot sa baboy bunsod ng African swine fever (ASF) outbreak.

Ayon sa United Broilers Raisers Association, sinisikap nilang ipako sa P110 hanggang P115 ang farm gate price ng manok para nasa P165 na lang ang presyo nito sa mga palengke.

Sabi naman ng isa pang grupo, wala na dapat pagtaas lalo't kumikita naman sa ngayon ang mga manukan.

"Hindi na siguro [tataasan] kasi maayos na ang production ngayon at kumikita naman ang mga farmer," sabi ni Rosando So ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).

Samantala, pumalag naman ang ilang nagtitinda ng manok sa palengke dahil malulugi daw sila kapag binabaan pa ang presyo ng manok.

"Sa P170, kinse na lang po ang kita namin, hindi kasya pambayad ng puwesto na arawan," hinaing ni Inah Pabua, nagtitinda ng manok. — Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.